City of Imus

National Women’s Month 2024: Kakayahan ng kababaihan, patuloy na inaangat sa Imus



March


Sa layuning patuloy na maiangat ang karapatan ng bawat kababaihan sa Imus, iba’t ibang programa ang isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan ngayong Marso 2024 sa temang, “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!” sa pamumuno ng City of Imus Gender and Development (GAD) Unit.

Naging hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang ang paglalagay ng purple flaglets sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan. Sinundan naman ito ng kick-off ceremony, kasabay ng regular na flag-raising ceremony noong Marso 4, 2024.

Sa talumpati ni Konsehal Yen Saquilayan—namumuno sa Komite ng mga Serbisyong Panlipunan, Pamilya, Kababaihan, Bata, at Matatanda—hinikayat niya ang mga kababaihan na hinding-hindi dapat magpatalo sa ano mang diskriminasyon at uri ng pang-aabuso.


Kuwentuhan na sa Plaza . . . Mga Bata, Tara Na! kasama si Konsi Yen



Nakihalubilo si Konsehal Yen Saquilayan sa kaniyang pagsasalaysay ng kuwentong “Superwoman si Inay” ni Segundo D. Matias Jr. sa 86 na bata noong Marso 6, 2024 sa “Kuwentuhan na sa Plaza . . . Mga Bata, Tara na!”

Nakatanggap din ang mga ito ng munting regalo mula kay Konsi Yen at mga papremyo mula sa palarong inihanda ng Imus City Public Library.


Imuseñas Day: Libreng gupit, manicure, at pedicure



Naghandog ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng libreng gupit, manicure, at pedicure sa mga Imuseñang bumisita sa New Imus City Government Center noong Marso 8, 2024 bilang pakikiisa sa paggunita ng National Women’s Day.

Personal ding binati nina Konsehal Yen Saquilayan, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Mark Villanueva, at Konsehal Darwin Remulla ang mga Imuseña.


Gender Sensitivity Training: Gender Issues in the Modern Workplace



Pinangunahan ng Local Economic Development and Investment Promotions Office ang pagsasagawa ng “Gender Sensitivity Training: Gender Issues in the Modern Workplace” noong Marso 14, 2024 sa Wellness Center ng New Imus City Government Center.

Kasama ang mga malalaking kumpanya sa Imus, ibinahagi nina Service Level Manager II Winnie Blay ng Department of Labor and Employment at Senior Labor and Employment Officer Arthur Candare ng ING Bank ang nilalaman ng Safe Spaces Act.

Ito ay upang maprotektahan ng mga employer ang kanilang mga empleyado mula sa karahasan at pang-aabusong maaari nilang maranasan habang nagtatrabaho.


Bagong BGFPS Officers nahalal



Idineklara na ang mga bagong halal na Barangay Gender and Development Focal Point System (BGFPS) Officers sa naganap na pagpupulong noong Marso 16, 2024 sa Wellness Center ng New Imus City Government Center.

Hinirang na president si Cecile Novio ng Anabu II-A, vice president si Madeline Sucgang ng Pinagbuklod, secretary si Gina Palesco ng Pag-asa III, assistant secretary si Maria Socorro Sasis ng Bayan Luma V, treasurer si Eleanor Topacio ng Poblacion II-B, assistant treasurer si Neneth Protacio ng Anabu I-F, auditor si Karenn Pangangaan ng Bucandala III, at public relations officer sina Mary Ruby Bautista at Roma Cyryll Jaro ng Tanzang Luma III.

Kasabay nito ay ginanap din ang Orientation on Harmonized GAD Guidelines for BGFPS Members, kung saan ibinahagi ni GAD Specialist Kim Harold Peji ang mga mahahalagang kaalaman kaugnay ng pagpapabuti sa gender-responsiveness ng mga barangay sa pakikisalamuha sa publiko, kabilang na ang tools at forms para sa assessment, monitoring, at evaluation.

Ang BGFPS ay katuwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagprotekta sa mga kababaihan laban sa karahasan at pang-aabuso.


Pantay-pantay na oportunidad para sa mga kababaihan sa Job Matching Activity ng Imus PESO



Nakiisa ang Imus Public Employment Service Office (PESO) sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa pagsasagawa ng Job Matching Activity nitong Marso 20, 2024, sa Lotus Central Mall. Sa 102 registered applicants, 24 ang natanggap agad sa trabaho. Katuwang dito ang 16 na kumpanya kasama ang SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund. Ang Job Matching Activity ay isa sa mga programa ng Imus PESO na layong matulungan ang mga Imuseñong makahanap ng trabahong swak sa kanilang kakayahan.


Mga hamon at oportunidad na kinakaharap ng mga kababaihang negosyante, tinalakay sa Women’s Forum ng CICLEDO



Iminungkahi ng City of Imus Cooperative, Livelihood & Entrepreneurial, and Enterprise Development Office (CICLEDO) ang talakayan ukol sa mga hamon at oportunidad na nararanasan ng mga kababaihang negosyante sa forum na pinamagatang “Women Entrepreneurs in the Fourth Industrial Revolution: Challenges and Opportunities” nitong Marso 25, 2024 sa Function Hall ng New Imus City Government Center.

Layunin nitong palakasin at madagdagan pa ang kaalaman ng mga kababaihang negosyante at nais magnegosyo sa kasalukuyang panahon.

Kalahok ang 320 kababaihan, pinangunahan ni Dr. George Tomamak Jr., Development Management Officer III ng CICLEDO, ang usapin hinggil sa Fourth Industrial Revolution o ang paggamit ng makabagong teknolohiya, mga hamon at oportunidad na maaaring harapin ng mga kababaihan at kung paano nila ito masosolusyonan.

Ibinahagi naman nina Operations Manager Michelle Ann Santos ng Lusia and Son at Owner and Manager Anabelle Kamantigue ng Sugarcube Café ang kanilang karanasan sa pagpapatakbo ng kani-kanilang mga negosyo mula sa pagiging medicine degree holders.

Nakasama rin dito si City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, habang nagbigay ng mensahe sa pamamagitan ng isang video message si Officer-in-charge Atty. Khay Ann Magundayao – Borlado ng Philippine Commission on Women.


Basic Mushroom Production and Processing Training para sa mga kababaihang empleyado ng Imus LGU



Bilang pakikiisa ng Office of the City Agriculturist sa Pambansang Buwan ng Kababaihan, idinaos ang isang Basic Mushroom Production and Processing Training kalahok ang mga kababaihang empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Imus nitong Marso 26, 2024 sa City Ecological Village, Brgy. Malagasang I-G.

Layunin nitong maituro sa mga empleyado ang wastong pagpapatubo at pag-aalaga ng mga mushroom para magkaroon sila ng iba pang mapagkukunan ng kita.

Ang pagtuturo ng mushroom production at processing ay pinangunahan nina Dan Kevin Mojica at Janette Paula Ortiz.

Isa ang Basic Mushroom Production and Processing Training sa mga programa ng Office of the City Agriculturist na naghihikayat sa mga Imuseñong magtanim sa kani-kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga training at workshop.


Kahanga-hangang Imuseñas, pinarangalan



Kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ng Gender and Development (GAD) Unit, nitong Marso 26, 2024 sa City of Imus Youth Center ang mga Imuseñang kahanga- hanga ang mga naiambag para sa pag-angat ng mga komunidad sa Imus.

Mula sa limang finalist, hinirang na Most Inspiring Kahanga-hangang Imuseña si Ms. Teresita Leabras—isang negosyante, kasalukuyang presidente ng Cavite Information and Communications Technology Council, at tagapagtaguyod ng economic growth ng Imus at ng kalakhang Cavite.

Binati rin nina City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Konsehal Yen Saquilayan sa pamamagitan ng isang video message, City Administrator Tito Monzon, GAD Unit Officer-in- charge (OIC) Jhett Vilbar – Lungcay, at City Tourism and Heritage Office OIC Dr. Jun Paredes ang mga kahanga-hangang Imuseña at kababaihang dumalo sa nasabing programa.

Sa parehong araw, isinagawa ng GAD Unit ang isang Women’s Forum, kung saan pinag- usapan ang women empowerment, resiliency, at social responsibility.


Women with Disability Day: Pamper day ng mga kababaihang may kapansanan



Libreng haircut, hair treatment, manicure, at masahe ang inihatid ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) at City College of Imus sa 150 kababaihang Imuseñong may kapansanan nitong Abril 4, 2024 na bahagi ng pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa Buwan ng Kababaihan.

Bukod sa mga nabanggit na libreng serbisyo, nakatanggap din ang mga dumalo ng special kit, habang naghandog ng special song performance ang special education students at ang magkapatid na sina Kianna Dhennise at Yvannah Louisse Ursua.

Personal ding kinumusta nina City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Konsehal Yen Saquilayan, Provincial PDAO Marie Sheila Antenor – Haloc, at Imus PDAO Officer-in-charge Maria Fides Escalda ang mga kababaihang may kapansanan.

Ang National Women’s Month ay ipinagdiriwang tuwing Marso ayon sa Proklamasyon Blg. 227, taong 1988. Kinikilala ang unang linggo ng buwan bilang Women’s Week sa bisa ng Proklamasyon Blg. 224, taong 1988, habang National Women’s Day ang Marso 8 kada taon, alinsunod na rin sa Batas Republika Blg. 6949, taong 1990, o “An Act to Declare March Eight of Every Year as a Working Special Holiday to be Known as National Women’s Day.”