City of Imus

Pagpupugay sa ika-126 na anibersaryo ng Labanan sa Imus



September 3, 2022



IMUS, Cavite—Ginunita ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang ika-126 na taon ng Labanan sa Imus noong ika-3 ng Setyembre sa pangunguna ng City Tourism and Development Office (CTDO).

Isang pagbabalik tanaw sa makasaysayan at pinakaunang makabuluhang labanan ng Rebolusyonaryong Pilipino.

Pinangunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng Labanan sa Imus, sa marker ng Tulay Isabel, at sa marker ni Kor. Jose S. Tagle.

Ipinagpatuloy ang pagdiriwang sa Old Municipal Building, kung saan ipinahayag ni Mayor AA ang kahilingan niyang malinang sa mga kabataan ang malasakit sa kasaysayan.

Kasabay nito, naganap ang ceremonial signing para sa pagtanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa monumento ni Hen. Tomas E. Mascardo—isang magiting na Imuseño at heneral ng Himagsikang Pilipino at Digmaang Pilipino-Amerika—mula sa mga kaanak nito sa pamamagitan ni Mr. Marco Barretto.

Nakiisa rin sa selebrasyon sina dating senador Richard J. Gordon, National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Deputy Executive Director Alvin Alcid, Konsehal Jelyn Maliksi, Cavite Historical Society Vice President—kinatawan ni dating Prime Minister H.E. Cesar E.A. Virata—Dr. Jose Andres Diaz, Imus Historical Society Vice Chairperson Engr. Aurelio P. Bautista, City Administrator Jeffrey M. Purisima, Chief of Staff Hertito V. Monzon, at ang kinatawan ni City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan na si Mr. Paeng Alarcon.

Ang Labanan sa Imus ay nagsimula noong ika-1 ng Setyembre 1896, at nagtapos din sa taong iyon sa Tulay Isabel noong ika-3 ng Setyembre. Ang katapangan na ipinamalas ni Kor. Tagle ay isa sa mga naging susi para tuluyang magapi ng Himagsikan, na pinamumunuan ni Hen. Emilio Aguinaldo, ang puwersa ni Hen. Ernesto de Aguirre.

Pinasiklab ng tagumpay na ito ang sigasig at mithiin ng Rebolusyonaryong Pilipino na matamasa ang kasarinlan ng bansa.

Naniniwala si Mayor AA na ang pagpapalakas sa kasaysayan ang magdadala sa magandang kinabukasan ng susunod na henerasyon.