City of Imus

AAni ng Pagmamahal 2024: Pag-ibig sa sining at pangingibabaw ng puso



February


Mga pusong puno ng pagmamahal ang nangibabaw sa Imus sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Puso at ng Pambansang Buwan ng mga Sining ngayong Pebrero 2024.

Bumungad sa serye ng mga pagdiriwang ang hugis pusong traffic lights na gumabay sa mga motoristang binabaybay ang kahabaan ng Gen. Emilio Aguinaldo Highway mula noong Pebrero 1–29, 2024.


Kasalang Imuseño: 36 na magkabiyak, buena manong ikinasal ngayong taon



Damang-dama ang pag-iibigan ng 36 na pares ng mga Imuseñong ikinasal ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula noong Pebrero 7, isang linggo bago ang Araw ng mga Puso, sa Kasalang Imuseño, “AAlagaan ka habang buhay.”

Bukod sa appliance at monetary gift, pinayuhan din ng alkalde ang mga mag-asawa na sa dulo ng lahat ay sila pa rin ang magdadala sa kani-kanilang mga buhay.

Nakasama rin sa seremonya si Deputy Chaplain Ramil Ilano na nanguna sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos.

Sa kasalukuyan, 425 pares na ang naikasal ni Mayor AA.


Free Valentine’s Trip



Handog na Trip to Boracay ang Valentine’s treat nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula sa tatlong Imuseño couples na nagpaantig sa kanilang mga puso matapos magbahagi ng hindi malilimutang romantic experiences sa official Facebook page ni Mayor AA.

Lumipad sa Boracay ang mga nanalo noong Pebrero 14–16, 2024. Bahagi ng Free Valentine’s Trip ang plane tickets, accommodation, at pocket money na P10,000.

Kinilala ang mga pares na sina Jonna at Alvin Tengco, Lovely at Alliekin Salgado, at Fae at Cristhian Mancilla.


Feb-ibig Photo Contest



Staycation package at romantic dinner date naman ang Feb-ibig gift ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula sa 10 Imuseñong umani ng pinakamaraming puso sa ibinahagi nilang larawan ng taong nais nilang makasama sa Araw ng mga Puso sa official Facebook page ng kongresista.

Ang unang limang pares na nanalo ay nakatanggap ng one-night stay sa Solaire Resort at P5,000, habang ang sumunod na limang pares ay hinandugan ng romantic dinner date sa naturang resort at P3,000.


Wish Cong Lang, Singles Awareness Day



Para kay Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, ang buwan ng pag-ibig ay hindi lamang para sa mga may kapares dahil para din ito sa mga single at punong-puno ng pagmamahal sa kanilang mga sarili!

Sa pamamagitan ng panonood at pag-share sa Wish Cong Lang noong Pebrero 15, 20 masusuwerteng Imuseño ang nanalo ng isang libong piso.


Love ARTFair 2024



Muling umani ng pagmamahal ang Love ARTFair sa ikalawang taon nito ngayong Pambansang Buwan ng mga Sining, may temang “Ani ng Sining, Bayang Malikhain,” sa pangunguna ng Imus City Tourism and Heritage Office (CTHO) na pinamumunuan ni Dr. Jun Paredes.

Opisyal na sinimulan ang art fair noong Pebrero 9, kung saan binuksan ang BazART at Pika-pikART tampok ang mga produktong likha ng mga artistahing Imuseño, SINEsinta Kita, TagpuART para sa pagpaparehistro sa Imus City Artist Registry ng mga Imuseñong alagad ng sining, at IMUS AlaalART Mural Painting.

Binuksan din ang entablado ng MagkasintahART para maipakita ng mga Imuseño ang kanilang malikhaing talento sa sining. Una nang idinaos dito ang isang pottery workshop na pinangunahan ni Kimberlyn Sy, pagtugtog ng Commonwealth Band, pagdaos ng light and shadows sand art show, at pasalitang tula sa open mic.

Pagguhit at pagpinta ang naging sentro noong Pebrero 16 sa hatid na Basic Drawing Workshop for Kids at for Youth and Adults at sa Free Basic Acrylic Painting Workshop nina Roy Abihay at John McRay Haplasca.

Espesyal din ang naganap na “Kuwentuhan na sa Plaza . . . Mga Bata, Tara Na! sa Buwan ng mga Sining” sa pagsasabuhay ng Tutu Dance Studio ng kuwentong “Ang Uhaw na Uwak,” bersyon ni Boots S. Pastor, sa pamamagitan ng isang ballet dance na isinalaysay ni Isaac Refruto.

Sa huling araw ng Love ARTFair noong Pebrero 23, nagkaroon ng isang eksibit tampok ang mga artwork na produkto ng mga workshop, signing ceremony ng Imus AlaalART Big Letters Mural, at pagharana ng mga Imuseñong musikero sa pamamagitan ng acoustic performance.

Binigyang-pagkilala rin ang mga lumahok na naging dahilan ng matagumpay na AAni ng Pagmamahal: Love ARTFair 2024.

Ipinagdiriwang tuwing Pebrero ang Buwan ng mga Sining alinsunod sa Proklamasyon Blg. 683, taong 1991.