City of Imus

AAngat Insurance Cards: Personal na handog nina Mayor AA at Cong. AJ sa 5,000 lingkod bayan ng Imus



February 14



Upang masigurong protektado ang buhay at kalusugan ng mga lingkod bayan ng Imus, inilunsad ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang personal nilang handog ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula na AAngat Insurance Cards nitong Pebrero 14, 2024 na ginanap sa Function Hall ng New Imus City Government Center.

Sa kaniyang talumpati, ibinahagi ni Mayor AA ang dahilan kung bakit mula sa sahod nila ni Cong. AJ at hindi ang pondo ng pamahalaan ang ginamit para mabigyan ng life insurance ang mga frontliner ng lokal na pamahalaan.

“Kailangan insured lahat [ng] mga frontliner natin dahil kayo ang naglilingkod, kayo ang nagtatrabaho sa lokal . . .

Sabi ko, ‘Sige lahat ng suweldo ko ilagay diyan.’ Gusto ko insured lahat [ng] mga lider ng ating lungsod.”

Ayon pa kay Wilson Tseng, Chief Business Officer ng Igloo Broker Philippines, eksklusibo sa lokal na pamahalaan ng Imus ang naturang insurance.

Ipinaliwanag naman ni Mr. Gabriel Soriano, head ng Corporate Sales ng Standard Insurance, ang saklaw ng mga benepisyo na kinabibilangan ng death or permanent total disability, unprovoked murder and assault, medical reimbursement, burial expense, at daily hospital cash assistance bunsod ng aksidente nang hindi lalagpas sa 30 araw na pananatili sa ospital. Nagbigay-pagbati rin sina Liga ng mga Barangay President Reymundo “RR” Ramirez at Sangguniang Kabataan Federation President Glian Ilagan.

Nabigyan na ng insurance cards ang ilan sa mga serbisyo publikong kinabibilangan ng mga punong barangay, kagawad, treasurer, secretary, barangay health worker, barangay nutrition scholar, tanod, at eco-aide.

Nakatakdang makatanggap ng insurance ang naturang humigit-kumulang 5,000 lingkod bayan. Nakasama rin mula sa Igloo sina Head of Business Development Mark Anthony Velez, Industry Account Manager Trina De Leon, Accreditation and Process Improvement Manager Jan Carlo Casupanan, at Broker Support Executive Love Daligdig.

Katuwang sa AAngat Insurance Cards ang Igloo Brokers Philippines at Standard Insurance.