Sa pangunguna ng Imus City Tourism and Heritage Office (CTHO), inalala ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang ika-79 na Anibersaryo ng Liberasyon ng Imus mula sa puwersa ng mga Hapones noong Pebrero 4, 2024 sa Imus City Plaza. Nag-alay ng bulaklak ang CTHO sa panandang pangkasaysayan ng 13 martir ng Imus na inialay ang kanilang mga buhay noong panahon ng pananakop ng mga Hapones. Kinilala ang mga martir na sina Col. Fidel Narciso Cruz, Mayor Elpidio Ilano Osteria Sr., MD, Dr. Andres Virata Dominguez, Dr. Modesto Topacio Mascardo, Dr. Lazaro Ramos Ilano, at Dr. Jose Ramirez Sapinoso na hindi na natagpuan ang mga labi. Kabilang din sina Benigno Rementilla Manela, Reynaldo Crisostomo Buenaventura, Jose Ramos Ramirez, Mauricio Topacio Reyes, Alfredo Ramirez Reyes, Modesto Sarao Virata, at Gregorio Ramirez Rodriguez na natagpuan ang mga labi sa Dasmariñas, Cavite at iniuwi sa Imus. Sa pamamagitan ng tapang ng mga Pilipino at ng hukbong Amerikano, nakamtan ng Imus ang kalayaan mula sa mga Hapones nang pasabugin ng mga ito, gamit ang gasolina at granada, ang arsenal na pinagkubkuban ng mga sundalong Hapones. Dahil dito, napigilan ang pagpapasabog sa Tulay Isabel, at tuluyang napalaya ang bayan ng Imus mula sa mga mananakop.