Ganap nang inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang online application ng business permits sa muling pag-arangkada ng Electronic Business One-stop Shop (eBOSS) sa City of Imus Sports Complex at sa New Imus City Government Center mula Enero 2–31, 2024. Ayon sa Business Permits and Licensing Office (BPLO), umabot sa 13,645 negosyo ang nabigyan ng business permit, kung saan 629 ay mga bagong negosyo habang 13,016 naman ay mga dati nang negosyo. Dagdag pa ng BPLO na 263 sa mga ito ay matagumpay na nakapagproseso ng kanilang permit online, kung saan ay nakapagpasa sila ng mga kinakailangang dokumento at nakapagbayad ng mga bayarin sa pamamagitan lamang ng kanilang kompyuter o mobile phones. Sa pamamagitan ng tatlong hakbang – kinabibilangan ng assessment, payment, at release – matagumpay na nakakuha ng business permit ang mga negosyo. Nananatiling bukas ang website ng eBOSS na egovcityofimus.ph/bpl/ at ang BOSS center sa New Imus City Government Center, Brgy. Malagasang I-G. Bukas ito tuwing Lunes hanggang Biyernes mula ikawalo ng umaga hanggang ikalima ng hapon. Para sa kumpletong detalye ng mga hinihinging dokumento, bisitahin ang official website ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na: cityofimus.gov.ph/downloadable-forms Maaari ding panoorin ang step-by-step process ng eBOSS sa: tinyurl.com/ImusEBOSS2024 Patuloy ang pagpapaalala ng lokal na pamahalaan sa mga negosyo na kumuha ng kanilang business permit, at magbayad ng buwis sa tamang oras upang maiwasang mapatawan ng anumang multa.