City of Imus

“Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” Color Run ng DILG sa Imus, dinagsa // DILG, Imus pinaigting ang laban kontra iligal na droga



January 20



Sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Pamahalaang Lungsod ng Imus, mas nabigyang-diin ang kahalagahan ng laban kontra iligal na droga sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad sa ilalim ng kampanyang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” nitong Enero 20, 2024.

Tampok dito ang Color Run sa Vermosa Sports Hub na nilahukan ng humigit-kumulang 3,000 katao mula sa mga lungsod at munisipalidad ng Cavite.

Pinangunahan ang naturang aktibidad nina DILG Secretary Atty. Benjamin C. Abalos Jr., Undersecretary Lord A. Villanueva, Assistant Secretaries Rolando C. Puno at Florencio M. Bernabe Jr., Regional Director Ariel O. Iglesia, Provincial Director Engr. Danilo A. Nobleza, Provincial Board Member Francisco Gabriel Remulla, Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus.

Isang town hall meeting naman ang ginanap sa New Imus City Government Center kasama ang mahigit 100 kinatawan ng mga sektor at grupo mula sa kalakhang Cavite.

Tinalakay rito ang mga mahahalagang usapin patungkol sa ipinagbabawal na gamot gaya ng tungkulin ng relihiyong sektor sa laban kontra iligal na droga, epekto ng paggamit ng droga sa mga paaralan at akademya, at kung paano nakaaapekto ang iligal na droga sa sektor ng negosyo at sa ekonomiya.