IMUS, Cavite — Maingay, Makulay, at Masaya – ganito marahil mailalarawan ang pagdiriwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa Tanglaw sa Paskong Imuseño ngayong Disyembre 2023. Sa temang “Taon ng Pasasalamat at Pagkakaisa,” iba’t ibang regalo ang inihandog nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula, Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, at ng Sangguniang Panlungsod ng Imus sa mga Imuseño. Libreng Concert, Christmas Lighting Ceremony, at AAsenso ka sa buwis na binayad mo Raffle Draw Maagang Pamasko ang hatid ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mga Imuseño sa ginanap na libreng concert noong Disyembre 1, 2023 sa City of Imus Grandstand and Track Oval. Tampok dito ang performances ng sikat na Original Pilipino Music (OPM) bands na Ben&Ben, December Avenue, at The Itchyworms, habang pinatunayan din ng mga musikerong Imuseñong The Mars at ni Lizzie Aguinaldo ang kanilang galing sa musika at pag-awit. Nagliwanag naman ang kalangitan sa inihandang fireworks display na sinabayan ng pag-awit ng vocal ensemble na VocalissImus. Opisyal na ring pinailawan ang naggagandahan at kumukuti-kutitap na Christmas lights at mga dekorasyon sa Imus City Plaza, kasabay ng pagbabalik ng ImuSaya at Sarap Food Bazaar at ang pagdaraos ng isang variety show. Nagbigay rin ng maagang pagbati ngayong Kapaskuhan sina City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula. Pinasalamatan din nila sina Governor Jonvic Remulla at Congressman Bryan Revilla sa kanilang pagdalo at sa kanilang tuloy-tuloy na pagsuporta sa mga programa at proyekto sa Imus.
Sa parehong araw, isinagawa ang raffle draw sa programang “AAsenso ka sa buwis na binayad mo! Raffle Promo for Imus Taxpayers,” kung saan wagi si Katherine S. Salcedo na matanggap ang pinakamalaking papremyong nagkakahalagang isang milyong piso. Napunta naman sa MediCard Philippines, Inc. ang P500,000 at sa Mighty Knight Steel Corporation ang P300,000. Samantala, 23 Imus taxpayers ang napanalunan ang P50,000, habang 50 naman ang nakatanggap ng in-kind consolation prizes. Nagpahiwatig din sina Mayor AA at Cong. AJ sa tuloy-tuloy nilang paghahandog ng mga libreng concert at sa muling pagsasagawa ng AAsenso ka sa buwis na binayad mo! Raffle Promo for Imus Taxpayers. Imus City Government Center Christmas Decoration Sa kauna-unahang pagkakataon, binuksan ang Imus City Government Center mula alas-singko ng gabi hanggang alas-dyes ng gabi sa publiko noong Disyembre 1, 2023 upang masilayan ang mga nagniningning at makukulay na palamuti rito ngayong Kapaskuhan. Mananatili itong bukas araw-araw hanggang Enero 6, 2024.
Muling nagbalik ang Libreng Kakanin sa Simbang Gabi na handog nina Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula, City Mayor Alex “AA” L. Advincula, at ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mga Imuseñong dumalo sa mga misa. Araw-araw, mula Disyembre 16 hanggang 24, 2023, ipinamahagi ang libreng puto bumbong, bibingka, suman, at iba pa sa apat na simbahan sa Imus. Kabilang na rito ang bagong bukas na simbahang naitayo sa tulong nina Congressman AJ at Mayor AA na St. Joseph the Worker Church sa Brgy. Malagasang I-G tuwing alas-nuebe ng gabi pagkatapos ng misa. Namahagi rin ng libreng kakanin ang lokal na pamahalaan sa Katedral ng Imus tuwing alas-singko y medya ng umaga, sa St. Martha Parish Church sa Greengate Homes, Brgy. Malagasang II-A tuwing alas-singko ng umaga, at sa St. James the Greater Parish sa Villa De Primarosa Subd., Brgy. Buhay na Tubig tuwing alas-singko ng umaga. Hatid din nina Mayor AA at Cong. AJ ang tradisyong panggigising ng mga banda sa mga dumalo sa simbang gabi sa pamamagitan ng pagtugtog ng Imus Youth Symphonic Band sa mga kabahayan malapit sa Katedral ng Imus at ng Commonwealth Band No. 1 malapit sa St. Martha Parish Church at sa St. James the Greater Parish. Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na nabigyang-tanglaw ang pagninilay-nilay at pag-alaala ng kapanganakan ng Panginoong Hesukristo sa pagsisimba ng mga Imuseñong Katoliko.
Pinangunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang paunang pamamahagi ng Christmas Bags sa mga Imuseño nitong Disyembre 16, 2023 sa Brgy. Alapan I-A. “Ito kasi ay gusto kong mangyari taon-taon dahil naniniwala po ako na kahit papano, gusto kong maiparamdam sa ating mga kababayan na may kaunting regalo ang city government sa mga indibidwal,” pahayag ni Mayor AA. Ibinahagi rin ng alkalde na ang bawat pamilya ay makatatanggap ng Christmas Bag na naglalaman ng tatlong kilong bigas, spaghetti pack, noodles, keso, at de latang giniling, corned beef at meat loaf. Sa pamamagitan nito, hangad ni Mayor AA na mapatunayan at maiparamdam sa mga Imuseñong laging nariyan ang Pamahalaang Lungsod upang alalayan at tulungan sila. “Ito lang ho ‘yong nagpapatunay na ang Pamahalaang Lungsod ay naigagapang natin nang dahan-dahan. Nagtitipid po kami sa city hall nang sa gayon ay mapakinabangan ng ating mga kababayan ‘yung natitipid naming pondo. [At] maramdaman ng bawat Imuseño na may gobyernong aalalay at tutulong, lalong-lalo na sa oras ng pangangailangan,” ani Mayor AA. Ang pamamahagi ng Christmas grocery packs ay taunang handog nina Mayor AA, Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula, Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, at ng buong Pamahalaang Lungsod ng Imus. Christmas Concerts ng Imus Youth Symphonic Band ’83 Inc. at ng Commonwealth Band No. 1 Himig ng masasayang tugtugin ng Kapaskuhan ang inihandog ng mga marching band na Imus Youth Symphonic Band ’83 Inc. at ng Commonwealth Band No. 1 sa kanilang libreng Christmas concert nitong Disyembre 17 at 30, 2023 sa Imus City Plaza. Hiling ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na napuno ng pag-iibigan, pasasalamat, at pagkakaisa ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ng mamamayan sa inihatid nitong Tanglaw sa Paskong Imuseño.