IMUS, Cavite — Matagumpay na nagtapos ang pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa 18-day Campaign to End Violence Against Women (VAW) ng Philippine Commission on Women (PCW) mula noong Nobyembre 25 – Disyembre 12, 2023. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad, layon nitong patuloy na maisulong na mawakasan ang karahasan at pang-aabuso sa mga kababaihan. The Orange Exhibit: Journey Towards a VAW-free Philippines Sinimulan ng lokal na pamahalaan ang kampanya sa pagbubukas ng kauna-unahang “The Orange Exhibit: Journey Towards a VAW-free Philippines” sa Cavite noong Nobyembre 25, 2023 sa The District Imus. Inilarawan nito ang mga napagtagumpayan ng naturang kampanya sa nakalipas na dalawang dekada. Kabilang na ang pagpasa sa Republic Act (RA) No. 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, RA 9262 o ang Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004, at iba pang anti-VAW laws para sa patuloy na paglinang ng kamalayan sa mga karahasan at pang-aabusong nararanasan ng mga kababaihan araw-araw. Nagtagal ang naturang exhibit hanggang Disyembre 12, 2023. CineJuana: Salamin ng Karahasan sa Kasalukuyan Sa pakikipagtulungan sa Eduksine, ginanap ang “CineJuana: Salamin ng Karahasan sa Kasalukuyan” tampok ang pelikulang “Verdict" ni Raymund Ribay Gutierrez noong Nobyembre 29, 2023 sa Cinema 1 at 2 ng CityMall Anabu. Sinasalamin ng nasabing pelikula ang karanasan ng mga mag-iinang biktima ng domestic abuse. Pinanood ito ng mga mag-aaral ng Gen. Pantaleon Garcia Senior High School (SHS), Gen. Juan Castañeda SHS, at Gov. Juanito Reyes Remulla SHS na nakilahok din sa isang open forum ukol sa mga pang-aabuso, karahasan, at diskriminasyong kinakaharap ng mga kababaihan na pinangunahan ni Ms. Ma. Andrea Angala. United Juana: A Basic Life Support and A Self-Defense Training Kaagapay ang Imus City Disaster Risk Reduction and Management Office at Philippine Taekwondo Association, idinaos ang United Juana: A Basic Life Support and A Self-defense Training noong Disyembre 6, 2023 sa City of Imus Sports Complex. Natutunan dito ng mga kababaihang Imuseño kung paano ang wastong pagbibigay ng first aid, kabilang na ang CPR at Heimlich maneuver, at kung paano nila pisikal na madedepensahan ang kanilang mga sarili. Understanding Republic Act No. 11313 seminar Ginanap ang “Understanding Republic Act No. 11313” o ang Safe Spaces Act (Bawal Bastos Law) seminar noong Disyembre 1, 4, at 7, 2023 upang mapaliwanagan ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Imus hinggil sa kahalagahan at mga nilalaman ng nasabing batas. Pinangunahan nina Atty. Mylene B. Gonzales-Esquivel, RSW at Jo Enrica “Jean” Catalla Enriquez ang talakayan sa mga isyu at suliraning patuloy na pinagdaraanan ng mga biktima ng pangbabastos at sensual na panghaharas sa kabila ng pagpapatupad ng Bawal Bastos Law. Barangay GAD Focal Point System Orientation Upang lumawak pa ang kaalaman ng mga bagong Barangay Gender and Development (GAD) Focal Person, isinagawa ang GAD Orientation to Newly Elected and Appointed Barangay GAD Focal Point System noong Disyembre 11–12, 2023 sa Children and Youth Center, Imus Pilot Elementary School. Sa pamamagitan nito, maayos na matutugunan ng focal persons ang pangangailangan ng mga kababaihan at kanilang mga anak sa kani-kanilang barangay. Sa bisa ng Proclamation No. 1172, taong 2006, iba’t ibang aktibidad na nagsusulong sa karapatang pantao ng mga kababaihan laban sa karahasan at anumang uri ng diskriminasyon ang isinasagawa kada taon tungo sa isang VAW-free Philippines.