CITYMALL Anabu, Imus — Sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa Philippine Franchise Association, ginanap ang First Imus City Franchise Expo, na kauna-unahan din sa buong rehiyon ng CALABARZON, noong Disyembre 9, 2023. Nakausap ng mga negosyante at nais magnegosyo ang 24 na kilalang negosyo sa bansa na maaari nilang i-franchise. Sa tulong naman ng franchising consultant na Francorp Philippines, natutunan ng mga nakilahok kung paano makapipili ng negosyong swak sa kanila. Nakasama rin sa kauna-unahang franchise expo sina Provincial Director Revelyn Cortez ng Department of Trade and Industry Cavite, Interim President Annie Jarin ng Imus City Chamber of Commerce and Industry Inc., Officer-in-charge Jhett Vilbar-Lungcay ng Imus Local Economic Development and Investment Promotions Office, at Imus City Information Officer Ervin Ace Navarette.