IMUS CITY GOVERNMENT CENTER—Pinangunahan ni City Mayor Alex "AA" L. Advincula sa unang pagkakataon ang kasalan ng siyam na Imuseñong magkabiyak noong ika-11 ng Agosto. Pinayuhan ni Mayor AA ang mga mag-asawa tungkol sa kahalagahan ng pagpapakumbaba ano mang pagsubok ang dumating sa kanila. Ayon sa Punong Lungsod, “Ang buhay ay puno ng ups and downs—aangat, bababa—may away, minsan bati, minsan masaya. Dadaan lahat ‘yan sa buhay ninyo. Pinakaimportante sa lahat, pagtitiis at pasensya. Laging magpakumbaba.” Dinaluhan din ni Kinatawan Adrian Jay “AJ” Advincula ang pagdiriwang, kung saan ipinahayag niya ang hangarin nila n g Punong Lungsod. “Una pong magkakasal ni Mayor AA, gusto naman po namin, ‘yung pong kaniyang unang ikakasal ay pagpalain at dumating ang blessing na hinihingi,” pahayag ni Cong. AJ. Pinangasiwaan nina City Chaplain Sancho Sampot at Deputy Chaplain Ramil Ilano ang naturang seremonya. Samantala, nakatanggap ng rice cooker at electric fan ang lahat ng mga unang ikinasal ni Mayor Advincula. Ang Kasalang Imuseño, “AAlagaan ka habang buhay,” ay handog ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mamamayang Imuseñong nais magpakasal, ano man ang estado sa buhay. “At lagi ninyong tatandaan, walang tutulong sa atin kung ‘di sarili natin. Nandito lang kami para umalalay, gumabay, at suportahan kayo. Pero sa dulo ng lahat, kayo pa ring mag-asawa ang magtutulungan sa hirap at sa ginhawa. Kaya laban lang, lahat ay makakaraos din,” ani Mayor AA.