City of Imus

Bagong daan at tulay sa La Joya, binuksan na ng Imus LGU



December 1



BUHAY na Tubig, Imus — Pinangunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang pagbabasbas at pagbubukas ng bagong daan at tulay sa La Joya St., Bahayang Pag-asa, Brgy. Buhay na Tubig noong Disyembre 1, 2023.

Ayon kay Mayor AA, simula pa lamang ito ng mga karagdagang daan at tulay upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Imus.

“Ito po ‘yung paumpisa para maibsan ‘yung trapik papuntang Daang Hari [Road], at magiging daanan [din ito] ng mga mag-aaral, pati na rin [ng mga dumaraan] sa Palanas Road. Mayroon po kaming 200 milyong pisong nakalaan para sa iba pang mga daan at tulay. Hinahabol nating mabuksan pa ang mga [ito],” ani Mayor AA.

Inilahad din niya na ang sikreto sa pag-unlad ng isang lugar ay ang pagkakaisa ng mga namumuno rito.

“Ito po ang sikreto ng pagkakaisa . . . ng pagtutulungan, hindi nag-aaway-away. Dahil, ang objective ng lider ng Lungsod ng Imus ay matulungan, mapagaan, [at] maramdaman ng mga kababayan nating may gobyernong aalalay, tutulong, [at] susuporta, lalo na sa mga pangangailangan nila,” saad ng alkalde.

Dagdag pa niya, “Umasa ho kayo, patuloy na ganito ang gagawin natin sa mahal nating lungsod para hindi lumayo ang [ating] pag-unlad.”

Bahagi rin ng pagbubukas si Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus.

Ilan lamang ito sa mga proyektong inilatag ng administrasyong Advincula para sa pag-angat ng Imus.