IMUS, Cavite — Nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng mga Bata 2023 — may temang “Health, Nourished, Sheltered: Ensuring the Right to Life for All” — sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad para sa mga batang Imuseño, kabilang na ang taunang Local State of the Children’s Report, ngayong Nobyembre 2023 sa pangunguna ng Imus Local Council for the Protection of Children (LCPC) na pinamumunuan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, katuwang ang City of Imus – Youth Affairs Office (YAO). 2-day Young Filmmakers Workshop Nagsimula ang pagdiriwang sa pagsasagawa ng dalawang araw na Young Filmmakers Workshop noong Nobyembre 8 at 9, 2023 na ginanap sa Imus City Government Center para sa mga kabataang Imuseñong nagnanais gumawa ng pelikula. Ibinahagi ng producer, director, at writer na si Arvin Belarmino at ng director at writer na si Kyla Romero sa mahigit 60 kabataang Imuseño ang kanilang kaalaman patungkol sa paggawa ng mga pelikula. Sa pamamagitan nito, naipakilala sa mga kabataan ang mahahalagang aspeto ng sining ng pelikula. ImusiKapansanan 2023: Embracing and Celebrating Diversity through a Festival of Talents Nalinang ang iba’t ibang talento ng humigit-kumulang 700 Imuseñong may kapansanan sa kanilang pagtatanghal sa ImusiKapansanan Year 6 noong Nobyembre 10, 2023 sa City of Imus Sports Complex. Dito, pinatunayan ng mga Imuseñong may kapansanan na hindi hadlang ang kanilang disabilidad upang mahubog nang husto ang kanilang mga angking talento. Naging espesyal din ang pagdaos nito sa pagdalo ni Senador Risa Hontiveros na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsuporta sa persons with disabilities (PWDs) tungo sa mas inklusibong lipunan. Nagtanghal ang Special Education students ng Gov. D.M. Camerino Integrated School, Malagasang II Elementary School, Anabu II Elementary School, Bucandala Elementary School, Imus Pilot Elementary School, Gen. Emilio Aguinaldo National High School, at Imus National High School. Nagkaroon din ng special performance ang Cavite State University Imus Sinagtala Chorale at ng isang tribute performance mula kay Renzi Oline On. Naging bahagi rin nito sina Provincial Administrator Dr. Alvin Mojica, City Administrator Tito Monzon, Konsehal Yen Saquilayan — Committee Chair on Social Services, Family, Women, Children, and Elderly — Konsehal Mark Villanueva, Konsehal Wency Lara, Konsehal Darwin Remulla, at Officer-in-charge Maria Fides Escalada ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO). Ang ImusiKapansanan ay ang taunang programa ng PDAO na humihikayat at sumusuporta sa mga PWD na ipagmalaki ang kanilang mga talento, lalo na sa pagtatanghal. Book Character Costume Competition – My Favorite Book Character: Dressing Up and Acting Out Year 3! Muling pinatunayan ng mga kabataang Imuseño ang kanilang talento sa pag-arte at sa pagiging malikhain sa paglahok sa ikatlong taon ng Book Character Costume Competition – My Favorite Book Character: Dressing Up and Acting Out ng Imus City Public Library noong Nobyembre 16, 2023 na ginanap sa City of Imus Sports Complex. Mula sa 73 kalahok, wagi si Juliel Margio C. Orap na makuha ang First Place sa Category 1, si Jiana Felicid D. Canada sa Category 2, at si Dhannie Anne Anacio sa Category 3. Kinilala naman bilang Best in Costume sina Zach Dylan B. Garcia para sa Category 1, Yhasmyn Claire D. Cordovero para sa Category 2, at Kheasley Mae L. Ramirez para sa Category 3. Nakatanggap din ng consolation prize na P500 ang lahat ng mga nakilahok. Ang Book Character Costume Competition – My Favorite Book Character: Dressing Up and Acting Out ng Pampublikong Aklatan ng Imus ay taunang ginaganap upang mahikayat ang mga kabataang Imuseñong ipamalas ang kanilang malikhaing pag-iisip, husay sa pagbabasa, at galing sa pagsasadula. Eskwela Kooperatiba Engagement Forum Upang mas tumatag ang Eskwela Kooperatiba (EK) na binubuo ng mga Imuseñong mag-aaral, idinaos ng City of Imus Cooperative, Livelihood & Entrepreneurial, and Enterprise Development Office ang EK Engagement Forum noong Nobyembre 17, 2023 sa Imus City Government Center. Pinag-usapan dito ng guardian cooperatives at iba’t ibang kinatawan ng mga paaralan mula sa public at private schools ang patungkol sa Membership Status at Sustainability of Operation ng EK. Nakasama rin dito sina Konsehal Jelyn Maliksi na Committee Chair on Cooperatives at Mr. Jeffrey Purisima na kinumusta ang kalagayan ng naturang programa. Sa pamamagitan ng pagsali ng mga estudyante sa EK, naituturo sa kanila ang tamang paggamit ng pera, kahalagahan ng pag-iimpok, at pagkakaisa. Ayon sa datos, nasa humigit 40,000 na ang mga miyembro ng EK. 2023 Youth Financial Literacy Festival Ginanap ang 2023 Youth Financial Literacy Festival para sa mga miyembro ng Eskwela Kooperatiba (EK) noong Nobyembre 18, 2023 sa Children and Youth Center sa pangunguna ng City of Imus Cooperative, Livelihood & Entrepreneurial Development and Enterprise Office (CICLEDO). Ibinahagi ni Dr. Aldrin Antivola sa elementary, junior at senior high school students kung paano humawak at magpatakbo ng pera. Ang Youth Financial Literacy Festival ay idinaraos taon-taon upang maituro sa mga kabataang Imuseño ang kahalagahan ng maayos na pamamahala ng pera. Local State of the Children’s Report 2023 Sa ikalawang taon, muling iniulat ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang mga naisagawang aktibidad at programa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus para sa mga bata at kabataan sa Local State of the Children’s Report 2023 nitong Nobyembre 20, 2023 sa Imus City Government Center. Binigyang-diin ni Mayor AA sa kaniyang talumpati ang pagbabakuna sa 4,806 na bata kontra sa anim na vaccine-preventable diseases, ang pagturok ng 72,777 bakuna laban sa COVID-19, at ang pagtimbang sa 19,190 batang edad 0 hanggang 59 na buwan. Gayundin ang edukasyon ng mga batang Imuseño, kung saan 32,000 estudyante sa mga pampublikong paaralan ang nakatanggap ng school bags at supplies. Patuloy rin ang pagtatayo ng tatlong bagong pampublikong paaralang elementarya sa mga barangay ng Maharlika, Malagasang First, at Malagasang Second, habang nakalatag naman ang planong magkaroon ng karagdagang 35 day care center sa lungsod. Sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation, inilahad ng Pamahalaang Lungsod ang lahat ng mga napagtagumpayan nito para sa tuloy-tuloy na pagsulong sa kapakanan ng mga bata sa Imus. Saksi sa naturang pag-uulat sina Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Konsehal Yen Saquilayan — bilang Committee Chair on Social Services, Family, Women, Children, and Elderly — Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Mark Villanueva, Konsehal Totie Ropeta, Konsehal Wency Lara, Liga ng mga Barangay President David Sapitan Jr., at Sangguniang Kabataan Federation President Chelsea Sarno. Film Viewing and Library Orientation Inimbitahan ng Imus City Public Library ang 226 na Grade 5, 6, at 8 students ng Malagasang 3 Elementary School at Imus National High School para sa isang Film Viewing at Library Orientation sa mga araw ng Nobyembre 20 at 24, 2023. Layon nitong mahikayat ang mga mag-aaral na bumisita sa pampublikong aklatan sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga serbisyo at pasilidad nito. 5th Youth Leaders’ Summit Sa temang “AAngat ang Lahat: Youth for the Voiceless, Turning Aspiration into Leadership Initiatives,” pinag-usapan ng mga kabataang Imuseño ang iba-ibang paraan upang mabigyan ng pagkakataong makapagsalita ang mga indibidwal na walang boses sa pagdaos ng 5th Youth Leaders’ Summit nitong Nobyembre 24, 2023 sa Imus City Government Center. Nakasentro ang usapan sa pagtutulungan at pagpapatupad ng mga adbokasiya at epektibong pagpapatupad ng community development programs. Taunang isinasagawa ang Youth Leaders’ Summit upang mapalakas pa ang mga katangian ng pagiging isang lider ng mga kabataang Imuseño. Kiddie-lympic 2023 Championship Nagtapos ang pagdiriwang ng National Children’s Month 2023 sa pagsasagawa ng Kiddie-lympic 2023 Championship nitong Nobyembre 28, 2023 sa City of Imus Sports Complex. Nilahukan ng mga mag-aaral mula sa child development centers ang iba’t ibang kompetisyong inihanda ng tanggapan. Kabilang na ang relay games, field demonstration, folk dance, singing contest, poem recitation, at coloring contest. Isa ang Kiddie-lympic sa mga programa ng Committee on Child Development sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office. Taunang ipinagdiriwang ang Pambansang Buwan ng mga Bata tuwing Nobyembre batay sa Republic Act No. 10661 taong 2014.