IMUS, Cavite — Nakatakdang tumanggap ng Seal of Child-Friendly Local Governance ang Pamahalaang Lungsod ng Imus matapos itong pumasa sa 2022 Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA) ng Department of the Interior and Local Government at Department of Social Welfare and Development na inanunsyo noong Nobyembre 8, 2023. Patunay ito sa patuloy na pagsulong ng Imus sa mga programang nagbibigay-prayoridad sa mga pangunahing pangangailangan ng mga batang Imuseño tulad ng karapatan sa kaligtasan, pag-unlad, proteksyon, pakikilahok, at pamamahala. Kabilang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa 63 lokal na pamahalaan sa rehiyon ng CALABARZON na pumasa sa CFLGA. Taunang sinusuri ng CFLGA ang iba’t ibang programa at serbisyong isinasagawa ng mga lokal na pamahalaan para sa kapakanan ng mga bata at kabataan.