IMUS, Cavite — Ipinagdiwang ng City of Imus Cooperative, Livelihood & Entrepreneurial and Enterprise Development Office (CICLEDO) ang Imus Cooperative Week 2023, kasabay ng National Cooperative Month ngayong Oktubre, mula nitong Oktubre 16–20, 2023. Coop Unity Walk Katuwang ang iMUST Cooperative Federation at ang City of Imus Cooperative Development Council, inumpisahan ang Coop Week sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kauna-unahang Coop Unity Walk: Solidarity in Diversity noong Oktubre 16 sa City of Imus Grandstand and Track Oval. Nakasama rito ang mahigit 70 opisyal ng 40 pangunahing kooperatiba sa Imus. Gender Sensitivity and GAD-Related Laws seminar Pinangunahan ng panauhing tagapagsalita na si Cecilia Lorenzana ang pagdaraos ng dalawang araw na Gender Sensitivity and Gender and Development (GAD)-Related Laws seminar nitong Oktubre 18 at 19 sa Cooperative and Livelihood Training Center (CLTC). Tinalakay rito ang mga usapin patungkol sa pagkakaroon ng sapat na sensitibidad sa iba-ibang kasarian at ang pag-iwas sa paggamit ng sexism language, o diskriminasyon sa seksuwal na oryentasyon at kasarian. Napag-usapan din ang mga batas na nagsusulong sa pantay-pantay na karapatan, anuman ang kasarian ng isang tao. Ilan sa mga ito ay ang Magna Carta of Women o Republic Act (RA) No. 9710, Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004 o RA 9262, at Anti-Sexual Harassment Act of 1995 o RA 7877. 2023 Imus Galing Koop Awards and Recognition Day Sa pagtatapos ng mga serye ng pagdiriwang, kinilala ng CICLEDO ang 23 pangunahing kooperatibang malaki ang naging kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya sa Imus sa ginanap na 2023 Imus Galing Koop Awards and Recognition Day nitong Oktubre 20 sa CLTC. Kabilang sa mga natatanging kooperatiba ang Imus Vendors Development Cooperative na pinarangalan ng Hall of Fame at Most Number of Members. Nakatanggap ng pinakamaraming pagkilala ang Anabu Development Cooperative na nag-uwi ng apat na parangal, kasama na ang Guardian Cooperative with Most Increase in Eskwela Kooperatiba Members. Nag-uwi ng tatlong parangal ang Damayan sa Cavite Community Multipurpose Cooperative (MPC) at EMI Employees Development Cooperative, habang pinagkalooban ng dalawang parangal ang Lancaster New City Community Credit Cooperative. Ginawaran din bilang Most Improved Cooperatives ang Diamante Transport Service Cooperative para sa micro-scale, ang Imus National High School and Community MPC para sa small-scale, at ang Magsikap MPC para sa medium-scale cooperative. Samantala, binigyang-pagkilala ang 22 kooperatibang nakapaghatid ng iba’t ibang community development program sa loob ng isang taon. Dinaluhan din ito nina Provincial Cooperatives Development Officer Atty. Khervy Reyes, City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, mga konsehal, at ni City Administrator Tito Monzon. Taon-taon, ginugunita sa Lungsod ng Imus ang National Cooperative Month tuwing Oktubre, batay sa Proclamation No. 493, taong 2003, habang ginugunita naman ang Imus Cooperative Week tuwing ikatlong linggo ng Oktubre, alinsunod sa City Ordinance No. 03-95, taong 2017.