City of Imus

Kauna-unahang Imus City Business Conference para sa pag-ahon ng mga negosyo



October 17



IMUS City Government Center — Matagumpay na nagtapos ang kauna-unahang Imus City Business Conference na pinamagatang "AAhon ang Negosyo: Thriving in the Midst of Distress" nitong Oktubre 17, 2023 sa pangunguna ng City of Imus Local Economic Development and Investment Promotions Office (LEDIPO) ni Ms. Jhett Vilbar-Lungcay..

Sa pagbati ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa humigit-kumulang 288 negosyante, inihayag niya ang kahandaang umalalay at sumuporta sa mga negosyante sa lungsod.

“Gusto ko pong maalalayan, masuportahan ang mga negosyante, maliit man o malaki sa Lungsod ng Imus [dahil] alam ko po na lahat ay may pinagdaraanan,” ani Mayor AA.

Inihalintulad din ng alkalde ang pagnenegosyo sa pag-aalaga ng halaman bilang isang negosyante.

“Dedication lang, inaalagaan natin na parang halaman ang ating negosyo—binabantayan natin, binibigyan natin ng incentives ang mga tao natin, at higit sa lahat, lagi tayong nagdarasal na sana pagpalain tayo para marami tayong matulungan,” dagdag pa niya.

Nagbahagi naman ang isang negosyante, may-akda, at motivational speaker na si Mr. Jayson Lo ng kaniyang mga kaalaman patungkol sa sektor ng pagnenegosyo. Nagbigay-inspirasyon din si Mr. Lo sa mga nakilahok upang lumakas pa ang kanilang mga loob, at patuloy na magsumikap na palaguin ang kanilang mga negosyo at pagyamanin ang kanilang mga buhay.

Kasabay nito, pinagtibay din ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at ng P.J. Lhuillier Group of Companies, inirepresenta nina Senior Vice President Anette Tirol at Consultant CJ Fidelino, ang isang kasunduan sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement signing. Layon ng samahang ito na matulungan pa ang mga negosyante sa Imus.

Ipinalabas din ang video presentations na nagtatalakay sa pinatutunguhan ng buwis na ibinabayad ng mga Imuseño at mga hakbang na isasagawa ng mga tanggapan ng Imus hinggil sa mga hinaing ng mga negosyante.

Ang Imus City Business Conference "AAhon ang Negosyo: Thriving in the Midst of Distress" ang kauna-unahang business conference ng LEDIPO. Layunin nitong mas makilala ng mga negosyante sa Imus ang isa’t isa, gayundin ang Pamahalaang Lungsod ng Imus para mabigyan ang kanilang mga negosyo ng kaukulang suporta.