City of Imus

Fiesta ng Imus 2023: LaBANDnan ng musikang talento ng mga Imuseño



October 11



IMUS CITY PLAZA — Paglinang sa musikang talento ng mga Imuseño ang sentro ng pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa bisperas ng Kapistahan ni Nana Pilar nitong Oktubre 11, 2023.

Tampok ngayong taon sa programang “Fiesta ng Imus: Ating-Atin ito! Araw ng Laro, Kanta, Sayaw at Saya!” ang labanan ng pitong bandang Imuseño sa patimpalak na “laBANDnan sa Imus” na pinangunahan ng Imus City Tourism and Heritage Office.

Nagpasiklaban dito ang mga banda sa pagtatanghal ng sarili nilang rendisyon ng mga awiting Original Pilipino Music (OPM) at ng sariling komposisyon ng mga awiting patungkol sa Imus.

Sa pagbati ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, inilahad niya na bukod sa mga papremyo ay tutulungan din ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na malinang pa ang talento ng tatlong bandang magwawagi sa patimpalak.

Hinirang bilang kampeon ang bandang The Mars na nakatanggap ng tropeo at P60,000 mula sa lokal na pamahalaan at kay Mayor AA.

Itinanghal na Second Place ang Clinomania na nag-uwi ng P50,000 at Third Place ang Caskaseros na iniuwi ang P40,000. Ginawaran naman ang bandang Distrito na isinulat ang kantang “Kabataang Imuseño” ng Best Song Composition at P10,000.

Nakatanggap din ng consolation prize na P15,000 ang mga bandang Ojnab, Distrito, Seoula, at Kapitulo, kung saan ang P10,000 rito ay nagmula kay Mayor AA.

Ipinahayag din ng alkalde na bukas ang kaniyang tanggapan para suportahan at malinang ang talento ng mga Imuseño sa iba’t ibang larangan.

Sa parehong araw, pinarangalan ng Plake ng Pagpapahalaga si Mayor AA ng Junior Chamber International Imus Haligue bilang pasasalamat sa suportang ipinagkaloob niya sa ika-43 Karakol ng Imus.

Nakisaya rin sa pagdiriwang sina Board Member (BM) Ony Cantimbuhan, Vice Mayor Homer T. Saquilayan, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus.

Bilang taunang debosyon, nakilahok din si Mayor AA at BM Ony sa pagbubuhat ng andas ni Nuestra Señora del Pilar.

Tuwing Oktubre 11 at 12 ay ginugunita ng mga debotong Imuseño ang Kapistahan ni Nuestra Señora del Pilar o Nana Pilar — patrona ng Diyosesis ng Imus — sa pamamagitan ng pakikilahok sa karakol at sa banal na misa. Bahagi rin ito ng kanilang pananampalataya at pasasalamat sa mga biyayang kanilang natatanggap.