IMUS City Government Center — Idinaos ng Sangguniang Panlungsod ng Imus, sa pangunguna ni City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, nitong Setyembre 19, 2023 ang public hearing patungkol sa pagbabago ng halaga ng mga lupain at ari-ariang hindi natitinag sa Imus na sisimulang ipatupad sa susunod na taon. Nakasama rin sa naturang hearing si City Mayor Alex “AA” L. Advincula na pinakinggan ang mga kuro-kuro ng mga dumalo. Napag-usapan dito ang amilyar at ang paraan ng komputasyon nito na kinabibilangan ng market value o ang pinaiiral na kalakarang presyo sa isang lugar, assessment level base sa klasipikasyon ng ari-arian, assessed value o halaga ng ari-arian, at ang ipinapataw na 2.1 percent tax rate. Tinalakay rin ang kahalagahan ng pangongolekta ng buwis na siyang nagpapatakbo sa isang lugar at kung paano ito ginugugol ng pamahalaan. Bukod sa pag-unlad ng Imus, pinag-usapan din ang mga ligal na basehan ng ika-5 pangkalahatang pagrebisa ng pagtatasa at klasipikasyon ng mga ari-ariang hindi natitinag. Ang mga ito ay ang pagkaantala bunsod ng pagiging isang lungsod ng Imus at ang pagsasailalim sa bansa sa State of Health Emergency dulot ng pandemyang COVID-19, ibinabang kautusan ng Bureau of Local Government Finance Region IV-A na magsagawa ng updated general revision of fair market value, at ang tumataas na kabuuang gastusin ng Pamahalaang Lungsod dahil sa patuloy na paglaki ng populasyon nito. Sa kabila ng pagbabago sa binabayarang amilyar, sinisiguro ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na naibabalik nito ang buwis ng taong-bayan sa pamamagitan ng mga serbisyo, programa, at proyektong patuloy na mag-aangat sa antas ng buhay ng mga mamamayang Imuseño.