City of Imus

Balik-Sigla, Balik-Eskwela: Inilunsad sa Imus kontra dengue



August 5, 2022



IMUS, Cavite—Bilang pakikiisa sa 2022 Brigada Eskwela, inilunsad ng Imus City Health Office (CHO) ang Balik-Sigla, Balik-Eskwela Program ng Department of Health (DOH)-CALABARZON, katuwang ang Department of Education (DepEd), sa tatlong pampublikong paaralan noong ika-5 ng Agosto.

Pinangunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang pagsisimula nito sa Gov. D.M. Camerino Integrated Elementary School, kung saan ibinahagi niya ang kahalagahan ng edukasyon.

“Ilalatag ang magandang edukasyon, magandang classroom. Sapagkat, naniniwala ako na ang karunungan ang pamanang hindi puwedeng nakawin kahit nino man. Kaya importante po ang karunungan. Umasa po kayo na kasama ninyo ako, ibabangon natin, at pipilitin nating maging magaling ang bawat Imuseño dito sa ating Lungsod,” ani Mayor AA.

Hatid ng programa ang paglalagay ng treated nets sa mga silid-aralan, anti-dengue equipment, at ang Dengue Awareness Campaign upang mapanatili ang kaligtasan ng mga estudyante sa kanilang balik-eskwela.

Nakiisa rin sina Dir. Ariel Valencia ng DOH-CALABARZON Center for Health Development, Committee Chair on Health Kon. Enzo-Asistio Ferrer, Schools Division Superintendent Dr. Rosemarie Torres, CHO Officer-in-charge Dr. Maria Rossini De Ausen, at City Epidemiology Surveillance Unit Head Mark Joseph Mitra.

Bahagi rin ang Imus Pilot Elementary School at Buhay na Tubig Elementary School sa mga binisitang paaralan.

Layunin ng Balik-Sigla, Balik-Eskwela Program na umagapay sa DepEd para sa isang ligtas na pagbabalik paaralan.