City of Imus

Nanay na Imuseño, Hakab na! Year 4 ngayong Breastfeeding Awareness Month



August



CITYMALL Anabu — Idinaos ang Nanay na Imuseño, Hakab na! Year 4 nitong Agosto 30, 2023 sa pagtutulungan ng Imus City Health Office – Nutrition at ng Local Council for the Protection of Children (LCPC) bilang pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa selebrasyon ng National Breastfeeding Awareness Month 2023 ngayong Agosto.

Ang pagdiriwang ngayong taon ay nakasentro sa pagsulong ng ligtas na pagpapasuso ng mga manggagawang Pilipina.

Tinalakay sa 150 breastfeeding mothers ang mga benepisyo sa kalusugan ng eksklusibong pagsuso sa unang anim na buwan ng mga sanggol.

Ipinaalam din sa mga manggagawa ang kanilang karapatan na magpasuso maging sa kanilang mga opisina na nakapaloob sa Republic Act No. 10028, o ang “Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009.”

Itinama rin ni Nutritionist Dietician Liberty Guzman ng Provincial Health Office ang ilang maling impormasyon ukol dito at iba pang impormasyong makatutulong sa mga nanay.

Ibinahagi naman ni Ms. Iris Peña, isang breastfeeding advocate na mula sa South PiNanays Advocates, ang kaniyang mga pinagdaanan sa pagpapasuso, habang nagbigay ng ilang puntos ang city dentists kung paano mapangangalagaan ang mga ngipin ng mga sanggol.

Bago matapos ang programa, ginanap ang malawakang sabayang pagsuso sa nanay (big simultaneous latch on) na nilahukan ng 135 nanay at kanilang mga sanggol na pinangasiwaan naman ni Dr. Rosalie Mae de Guzman at ng South PiNanays Advocates.

Nakatanggap din ang mga lumahok ng breastfeeding kits na ipinagkaloob ng LCPC, tanggapan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, at Kiwanis Pearl of Imus.

Dinaluhan din ito nina Vice Mayor Homer T. Saquilayan, Konsehal Enzo Asistio-Ferrer, City Health Officer Dr. Ferdinand Mina, at Mr. Jericho Reyes ng LCPC.

Kaisa ng mga nanay ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagsulong ng kanilang karapatang magpasuso sa mga pampublikong lugar.