IMUS PILOT ELEMENTARY SCHOOL—Matagumpay na inilunsad ang 2022 National Brigada Eskwela (BE) Kick-off Ceremony, may temang “Tugon sa Hamon ng Ligtas na Balik-Aral,” ng Department of Education (DepEd) noong ika-1 ng Agosto. Sa pangunguna ng Imus Schools Division Office (SDO) ni Dr. Rosemarie Torres, sinalubong ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula si Vice President at DepEd Secretary Sara Z. Duterte. “Isang mainit na pagtanggap po sa aming Lungsod ng Imus. Kami po ay nabigla n’ung nasabihang mag-host ng kick-off dito sa Imus. Kung ano man po ang pagkukulang, kami po ay humihingi ng pasensya,” ani Mayor AA. Ang pagsisimula ng BE ay dinaluhan din ni Cavite Vice Governor Athena Tolentino at ng undersecretaries, assistant secretaries, regional directors, at schools division superintendents mula sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa bansa. Ayon kay VP at Sec. Duterte, ang samahan ng mga magulang, guro, lokal na pamahalaan, at komunidad ay mahalaga para sa makabuluhang pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang 2022 BE ay taunang isinasagawa ng DepEd bilang paghahanda sa balik-eskwela. Ngayong taon, mas makahulugan ang pagdaraos nito sapagkat nakatakdang bumalik ang mga estudyante sa kani-kanilang silid-aralan. Nagtagal ang BE hanggang ika-26 ng Agosto, kung saan tinutukan nito ang pagsasaayos sa mga paaralan. Ipinapatupad din ng DepEd ang BE Plus upang matulungan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral; at ang Brigada Pagbasa bilang tugon sa “Hamon: Bawat Bata Bumabasa” ng DepEd Memorandum Blg. 173 ng taong 2019. Nagpahayag din ng suporta ang Punong Lungsod sa DepEd para sa pag-angat ng antas ng edukasyon sa Pilipinas. “Kami po, sa pamunuan ng Lungsod ng Imus, ay 100 porsyentong suportado ang DepEd family. At, umasa po kayo na patuloy po tayong magtutulungan para mapaganda pa natin ang kalidad ng edukasyon, hindi lamang dito sa ating Lungsod, ngunit maging sa ating bansa,” saad ni Mayor Advincula.