City of Imus

80 batang Imuseño, nahasa ang kasanayang bumasa



August 7



IMUS City Government Center — Tagumpay ang pagkatutong bumasa ng 80 batang Imuseño sa tulong ng programang Tayo Na’t Magbasa: A Library Reading Program for Struggling Learners ng Imus City Public Library na nagtapos nitong Agosto 17, 2023.

Nakatanggap ang mga bata ng sertipikasyon at cash incentive mula sa Pamahalaang Lungsod ng Imus bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon na mahubog ang kasanayan sa pagbabasa.

Nagbigay-pagbati rin si City Vice Mayor Homer T. Saquilayan at si Sangguniang Kabataan Federation President Joshua Guinto sa mga nagsipagtapos.

Nagsimula ang limang linggong programa noong Hulyo 10, kung saan nagkaroon ng one-on-one reading sessions ang mga bata tuwing Biyernes sa tulong ng education students ng Cavite State University Imus Campus.

Taon-taon, isinasagawa ng Imus City Public Library ang naturang programa upang matulungang makasabay ang mga mag-aaral ng elementarya na hirap bumasa.