IMUS, Cavite — Pinangunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang pamamahagi ng bagong school bags at supplies sa humigit-kumulang 30,000 pampublikong mag-aaral ng daycare at elementarya nitong Agosto 15, 2023. Isa ang Angat ang may Alam School Bags and Supplies sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan na layong matulungan ang mga mag-aaral mula pre-school hanggang Grade 3 sa kanilang balik-eskwela. Katuwang din dito ang Ikatlong Distrito ng Cavite sa pamumuno ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, ang Sangguniang Panlungsod ng Imus sa pangunguna ni Vice Mayor Homer T. Saquilayan, ang Imus City Schools Division Office, ang City of Imus Youth Affairs Office, at ang Local Council for the Protection of Children. Naganap ang kick-off ceremony sa Imus Pilot Elementary School na sinundan naman ng pamamahagi sa Malagasang II Elementary School, Alapan II Elementary School, at Bucandala Elementary School. Sa tala, 25,000 estudyante mula sa 26 na paaralang elementarya at 5,000 estudyante mula sa 84 na daycare centers ang nakatanggap ng school bags at supplies. Sa parehong araw din nakiisa ang mga lingkod bayan ng Imus sa Brigada Eskwela 2023. Hangad ni Mayor AA at ng buong Pamahalaang Lungsod ng Imus ang maitaas pa ang kalidad ng edukasyon dahil naniniwala ito na Angat ang may Alam.