City of Imus

Imus Youth Month 2023: Usaping kapaligiran at klima



August



IMUS, Cavite — Sa pagtutulungan ng City of Imus Youth Affairs Office (YAO) at ng Imus Sangguniang Kabataan (SK) Federation, ipinagdiwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang Buwan ng mga Kabataan ngayong Agosto 2023, kasabay ng pakikiisa sa taunang International Youth Day tuwing Agosto 12.

Sa temang “Green Skills for Youth: Towards a Sustainable World,” iba’t ibang mga aktibidad ang idinaos kaagapay ang mga youth organization at tanggapan ng Pamahalaang Lungsod.

Kabilang din sa selebrasyon ang pagkilalang natanggap ng Imus SK Federation bilang Outstanding SK Federation at ng Imus YAO bilang finalist sa Outstanding Local Youth Development Office sa ginanap na kauna-unahang Gawad Pawid Awards ng Provincial Youth Development Office nitong Agosto 19, 2023 sa Carmona City.


Local Youth Assembly

Nag-umpisa ang serye ng mga aktibidad sa naganap na Local Youth Assembly Cavite noong Agosto 6 sa Imus Youth Center.
Pinangunahan ng Youth Leadership for Democracy at Siklab Pilipinas ang usapan patungkol sa ugnayang sibiko at kakayahang mamuno ng mga kabataan tungo sa maliwanag na kinabukasan.

Imus Youth Day 2023

Upang lumalim pa ang kamalayan ng mga kabataang Imuseño sa nararanasang pangdaigdigang krisis sa klima, idinaos ang Imus Youth Day 2023 noong Agosto 9 sa Imus City Government Center.
Nakasama rito ang Imus City Agricultural Services Office at ang Imus City Environment and Natural Resources Office na ibinahagi ang mahahalagang kaalaman pagdating sa mga pangmatagalang solusyon na makabubuti sa kapaligiran at sa pamumuhay ng mga mamamayan.
Ipinakilala rin sa 200 kabataang lumahok ang green skills at green jobs na kabilang sa mga susi para masolusyonan ang krisis sa klima.

Aksyon Kabataan: Road Safety Awareness Seminar

Katuwang ang City of Imus Traffic Management Unit, isinagawa ang tatlong araw na libreng Road Safety Seminar para sa 150 kabataang Imuseño mula noong Agosto 14–16 sa Imus City Government Center.
Natutunan dito ng mga kabataan ang mahahalagang kaalaman pagdating sa maingat at ligtas na pagmamaneho.
Sa pagtatapos ng nasabing seminar, nakatanggap ang mga kalahok ng libreng medical certificate, student permit, at driver’s handbook.

Kabataan Fair 2023: NeGoShow

Punong-puno ng mga aktibidad ang inihandang Kabataan Fair 2023: NeGoShow ng YAO at SK Federation na ginanap nitong Agosto 25–27 sa Ayala Vermosa Daang Hari.

Itinampok dito ang performances ng mga musikerong Imuseño na Cuatro, Lazarus, Charlie’s Amiels, Afterdawn, MKNLYA, The S.O.S, Joana x Hotspot, nina Heidi, Lorenzo, DJ John, at Tawag ng Tanghalan finalist na si Eich Abando.

Nagtanghal din ang 15 kabataang Imuseño sa Open Mic Night.

Natunghayan din ang Auto-Show tampok ang mapopormang sasakyan at bisikleta, magic show, exhibit ng mga lokal na produkto, at pamamahagi ng raffle prizes.

Ang naturang Kabataan Fair ay dinaluhan din ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus sa pangunguna ni Vice Mayor Homer T. Saquilayan, SK Federation President Joshua Guinto, YAO Officer-in-charge (OIC) Jericho Reyes, at Local Economic Development and Investment Promotions Office OIC Jhett Vilbar-Lungcay.

Imus E-sports League: Mobile Legends Bang Bang Battle for Glory

Nagtagisan ang walong koponan ng amateur e-sports sa kauna-unahang Mobile Legends Bang Bang: Battle for Glory sa Imus na naganap mula Agosto 22–27.

Matapos maipanalo ang lahat ng kanilang mga laban, hinirang na kampeon ang Raw Esports.

Sa pagtatapos ng Imus Youth Month 2023, naniniwala ang Pamahalaang Lungsod ng Imus na kaisa nito ang mga kabataang Imuseño sa pagsulong ng mga programang makatutulong sa paglutas ng lumalalang kalagayan ng kapaligiran at klima.