City of Imus

214 kilo ng posibleng kontaminadong karne, kinumpiska ng Imus Task Force Bantay Karne



August 4



IMUS, Cavite – Umabot sa 214 na kilo ng mishandled na karne ang nakumpiska ng Imus Task Force Bantay Karne, katuwang ang National Meat Inspection Service, matapos ang malawakang pagsisiyasat ng mga karne sa mga pamilihan noong Agosto 4, 2023.
Ayon kay Imus City Veterinarian Dr. Maribel Depayso – Reyes, kinumpiska ng task force ang mga karne mula sa mga tindahang walang naipakitang meat inspection certificate at business permit, o kaya ay walang maayos na lagayan ng mga karne.
Inikot ng grupo ang Imus Public Market, Bahayang Pag-asa Talipapa, Pasong Buaya Talipapa, at Bucandala Talipapa nang mapag-alamang laganap ang pagbebenta ng iligal na karne sa lungsod.
Dagdag pa ni Dr. Depayso – Reyes na bibigyan ng pagkakataon ang mga nagtitinda na maipakita ang mga kaukulang dokumento kapag lumabas sa pagsusuri na ligtas kainin ang mga ito. Ibibigay naman ang mga karne sa charitable institutions kung hindi makasusunod ang mga establisyimento.
Itinapon na sa meat condemnation ng Imus Slaughterhouse ang mga karneng hindi na ligtas kainin.
Ipinahayag ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na sa pamumuno ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ay desidido itong protektahan ang mga Imuseño mula sa pagkain ng kontaminadong karne na maaaring makasama sa kanilang kalusugan.
Patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng regular na inspeksyon ng karne alinsunod sa Republic Act No. 9296 o ang Meat Inspection Code of the Philippines.