ALAPAN I-A, Imus — Sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, sabay na pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang kauna-unahang AAngat Livelihood Training Center at ang bagong Ronald McDonald Bahay Bulilit Learning Center nitong Hulyo 31, 2023 kasama ang mga kinatawan ng McDonald’s Philippines. Inilahad ni Mayor AA na kaakibat ng pagtatayo ng bagong Bahay Bulilit ang pag-usbong ng ideya ng isang livelihood training center na malapit sa learning center. Ito ay upang magkaroon ng produktibong libangan ang mga magulang sa pamamagitan ng pagkatuto habang hinihintay ang kanilang mga anak. “Ito po ‘yung pangarap natin na dapat talaga magkaroon ng katuwang ang [gobyerno] sa pangunguna po ng McDonald’s. Pinangarap natin na ‘yung ating mga bata kapag hinahatid natin sa [eskwelahan] ay ‘yung magulang ay pupuwedeng matuto,” ani Mayor AA. Isinagawa ang pagbabasbas, ribbon-cutting, unveiling ng building markers, at key turnover ng parehong gusali na mapupunta ang pangangalaga sa City Social Welfare and Development Office, City College of Imus, Local Council for Women, at sa Sangguniang Barangay ng Alapan I-A. Ipinasilip din ng Pamahalaang Lungsod ang ilan sa mga kakayahang maaaring matutunan ng mga magulang gaya ng pananahi, pag-bake ng crinkles at cookies, paggawa ng dishwashing liquid, at paglikha ng beaded jewelry. Matatandaan namang idinaos ang groundbreaking ceremony ng ikalawang Bahay Bulilit sa Imus noong Mayo 5, 2023. Isa ito sa mga programa ng Ronald McDonald House Charities of the Philippines, Inc. na layong makatulong sa pagkatuto ng mga batang kabilang sa low-income families. “Siguro, darating ‘yung araw, at naniniwala akong mangyayari ito, dito lalabas sa Alapan I-A ang isang magiging mayamang negosyanteng natutong mag-develop ng kaniyang iskil sa ating livelihood training center,” saad ni Mayor AA sa pagtatapos ng kaniyang talumpati.