City of Imus

Nutrition Month 2023: Nutrisyong abot-kaya para sa lahat



July 18-28



IMUS, Cavite — Bilang pakikiisa sa Buwan ng Nutrisyon 2023, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng iba’t ibang programa at aktibidad na may kaugnayan sa nutrisyon at kalusugan mula Hulyo 18–28, 2023 sa pagtutulungan ng City Health Office, Local Council for the Protection of Children, at City Agricultural Services Office (CASO).

Sa temang “Healthy diet gawing affordable for all!”, nakasentro ang ika-49 na pagdiriwang sa pagbibigay ng abot-kaya at masustansyang pagkain sa mga Pilipino.

Nutri Fair at Zumba Marathon

Sinimulan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang selebrasyon sa pagdalo sa Nutri Fair noong Hulyo 18 sa Imus City Plaza.
Itinampok dito ang cooking demo ng masusustansyang putahe at libreng food tasting, libreng taho, at mga palaro.
Personal ding ipinamahagi ni Mayor AA ang mga goodie bag na naglalaman ng masusustansyang pagkain.
Sa parehong araw ay idinaos ang Zumba Marathon para mahikayat pa ang mga Imuseño na gawing regular ang pag-eehersisyo para sa kanilang kalusugan.

“Gulay sa Paso” Urban Gardening Seminar

Pinangasiwaan naman ng CASO, kaagapay ang tanggapan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, ang “Gulay sa Paso” Urban Gardening Seminar noong Hulyo 21 sa The District Imus Training Hall.
Sa pamamagitan nito, naibahagi sa 59 na barangay nutrition scholars (BNS) ang iba’t ibang paraan ng pagtatanim ng gulay sa paso. Kabilang sa mga itinuro ay ang paggawa ng organikong pataba at ang makabagong paraan ng pagtatanim nang hindi gumagamit ng lupa sa tulong ng SNAP Hydroponics.
Nakatanggap din ang mga BNS ng mga binhi ng iba’t ibang mga gulay upang mas makatulong sa kanilang pagsisimula sa pagtatanim.
Isa ang urban gardening seminar sa mga programang ibinababa ng CASO upang mahikayat ang publiko na magtanim ng gulay sa kani-kanilang mga bahay.

Nutrition Forum

Nagtapos ang selebrasyon ng Buwan ng Nutrisyon sa pagdaos ng Nutrition Forum noong Hulyo 28 sa The District Imus Training Hall.
Tinalakay rito ni Nutrition Officer Junie Mar Cariño ng Bacoor City Social Welfare and Development Office sa 75 BNS ang kahalagahan ng Pinggang Pinoy para sa sapat na nutrisyong nakukuha ng mga Imuseño, bata man o matanda.
Inirerekomenda ng National Nutrition Council na ang bawat pinggan ay dapat naglalaman ng 33% kanin, 33% gulay, 17% ng karne, at 17% ng prutas kasama na ang isang baso ng tubig.

Batay sa Kautusan Blg. 491, taong 1974, o ang Nutrition Act of the Philippines, ipinagdiriwang ang Buwan ng Nutrisyon tuwing Hulyo upang patuloy na maisulong ang kampanya tungo sa mas malusog na Pilipinas sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain.