City of Imus

Cluster 5 at 9, kampeon sa 1 st Cong. AJ Cup Inter-cluster Volleyball Tournament



July 22



IMUS Sports Complex — Wagi ang Cluster 5 at Cluster 9 na makuha ang kampeonato First Cong. AJ Cup Inter-cluster Volleyball Tournament nitong Hulyo 22, 2023.

Nakamit ng Cluster 9 ang kampeonato sa women’s division matapos ang tatlong sunod-sunod na panalo sa kanilang laban kontra Cluster 6 sa puntos na 25-23, 25-22, at 25-17.

Siniguro naman ng Cluster 5 na wala silang talo sa buong takbo ng men’s division bago hiranging kampeon sa kanilang huling laban kontra Cluster 4. Nagtapos ang laban sa puntos na 25-18, 25-22, 24-25, at 25-20.

Naging mainit naman ang harapan ng Cluster 3 at Cluster 2 sa men’s division para sa ikatlong puwesto nang umabot hanggang ika-limang set ang kanilang laban, kung saan nanaig ang lakas ng Cluster 3.

Samantala, wagi ang Cluster 1 Women’s Team na makuha ang ikatlong puwesto matapos harapin ang Cluster 8.

Para sa individual mythical awarding, humakot ng mga pagkilala si David Honra ng Cluster 5 bilang Season Most Valuable Player (MVP), Finals MVP, at Best First Outside Hitter.

Nakatanggap din si Krishna Ornos ng Cluster 9 ng mga parangal bilang Finals MVP at Best First Outside Hitter.

Kinilala rin si Bea Zamudio ng Cluster 1 bilang Season MVP.

Kabilang din sa mga parangal na ibinigay ay ang Best Libero na sina Abby Bernabe at Nikirich Inting, ang Best Setter na sina Nicole Flores at Marron Alfiler, at ang Best Middle Blocker na sina Lovely Zapf at Patrick Musni.

Ginawaran naman sina Joan Calpes at Ivan Dela Cruz bilang Best Opposite Hitter at sina Erica Bodonal at Dhen Bataller bilang Best Second Outside Hitter.

Ang bawat isang kampeon ay nag-uwi ng tropeo at halagang P300,000.

Nakatanggap naman ng P70,000 at P50,000 ang bawat koponan na nasa ikalawa at ikatlong puwesto, habang ginawaran ng halagang P10,000 ang 12 na koponang lumahok sa naturang paligsahan.

Ang First Cong. AJ Cup Inter-cluster Volleyball Tournament ay handog ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula kaagapay si City Mayor Alex “AA” L. Advincula para sa mga kabataang Imuseño.

Layunin nito na mailayo ang mga kabataan mula sa mga masasamang bisyo, malinang ang kanilang galing sa larangan ng volleyball at magamit ang kanilang masaganang enerhiya sa isang nakapagpapalusog at magandang layunin.

Ikalawa ito sa mga serye ng larong bahagi ng First Cong. AJ Cup Inter-cluster Tournament katuwang ang Imus City Sports Development Unit.