IMUS, Cavite — Sa pangunguna ng City College of Imus (CCI) – Tech-Voc, isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang malawakang Community Outreach program sa iba’t ibang barangay sa Imus mula Hulyo 19–28, 2023. Tinatayang humigit-kumulang 350 residente, inmates, at out-of-school youth ang naabot ng nasabing programa. Naibahagi sa kanila ang iba’t ibang kaalaman sa tulong na rin ng mga mag-aaral ng CCI. Una nang hinatiran ng libreng gupit at tinuruan ng pagluluto ng masasarap na putahe ang mga inmate sa Imus City Jail. Ibinahagi naman sa out-of-school youth ang mga paraan ng pagtimpla ng masarap na kape sa Youth Center Building. Nagsagawa rin ang tanggapan ng dalawang araw na training ukol sa paggawa ng garbage cage para sa mga residente ng Brgy. Anabu II-F at dalawang araw na training ukol sa paghihinang para sa mga residente ng Brgy. Carsadang Bago I. Binisita rin nito ang Brgy. Alapan I-B at itinuro ang wastong paraan ng pagmamanikyur at paghihilot. Isang paraan naman ng pagbuburda ng telang nauunat (smocking) ang ibinahagi ng tanggapan sa mga residente ng Brgy. Buhay na Tubig. Kabilang din sa mga pinuntahan ng CCI ang mga Brgy. Medicion II-D, kung saan ibinahagi ang pag-bake ng malinamnam na cookies, at Brgy. Poblacion I-A para sa paglikha ng mahalimuyak na pabango. Ang CCI ay ang kauna-unahang paaralang pangkolehiyo na itinatag ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa tulong ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula. Hatid nito ang mga libreng kurso at training para sa kasanayan ng mga Imuseño.