City of Imus

First in Cavite: Human-induced Disaster Exercise isinagawa ng Imus CDRRMO



July 17



IMUS City Plaza — Isinagawa ng Imus City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang kauna-unahang human-induced disaster exercise noong Hulyo 17, 2023 bilang pakikiisa sa National Disaster Resilience Month (NDRM) nitong Hulyo.

Pinatunayan ng tanggapan ang kabihasaan at propesyonalismo sa pagtugon sa mga insidente nang bigyang-lunas ang sugatang hostage taker.

Ayon sa CDRRMO, nais nilang ipaalam sa publiko na walang pinipili ang pagsagip ng buhay dahil mahalaga ang buhay ng bawat isa.

Nagtagal ang simulasyon ng isang oras, kung saan dalawang tao ang sugatan kabilang na ang hostage taker.

Bahagi rin ng kauna-unahang disaster exercise ang Special Weapons and Tactics Philippines, Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection.

Sa patuloy na pagdiriwang sa NDRM, nagsagawa ang tanggapan ng First Aid and Basic Life Support Training for the Public noong Hulyo 18 sa Wellness Center. Dito, natutunan ng 33 kalahok ang tamang paraan ng pagbibigay ng paunang lunas, pagsasagwa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR), at pagbibigay ng first aid sa taong nabubulunan.

Idinaos din nitong Hulyo 21 sa Imus City Government Center ang Information, Education, and Communication Campaign for Barangays on Hydrometeorological Hazard, kung saan ibinahagi sa 105 opisyal ng mga barangay ang iba’t ibang paraan upang mapaghandaan ang mga sakuna na maaaring tumama sa Imus.

Nakasama rito ang Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project, Japan International Cooperation Agency Philippines, Department of Science and Technology (DOST) – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Flood Control Management Cluster ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite.

Nagtapos ang NDRM sa pagsasagawa ng “Dugong Alay Ko, Dugtong ng Buhay Mo” bloodletting activity nitong Hulyo 30 sa Robinsons Imus, katuwang ang National Kidney Transplant Institute.

Sa kabuuan, 117 Imuseño ang nag-alay ng kanilang dugo para sa mga taong nangangailangan nito.

Ang NDRM ay taunang idinaraos tuwing Hulyo batay sa Ehekutibong Kautusan Blg. 29 taong 2017.