Kauna-unahang State of the City Address ni Imus Mayor AA IMUS City Government Center — Sa kaniyang kauna-unahang State of the City Address (SOCA), inilahad ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang mga tagumpay ng kaniyang administrasyon, isang taon mula nang siya ay manumpa, nitong Hunyo 30, 2023. Ayon kay Mayor AA, ang tagumpay ng kaniyang panunungkulan ay dahil sa pagkakaisa ng mga namumuno sa lungsod at ng mga mamamayang Imuseño. Sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation, iniulat ni Mayor AA ang mga naisakatuparan sa ilalim ng kaniyang five-point agenda — ang kalusugan, edukasyon, at serbisyo publiko, ang mabuting pamamahala, ang pabahay at kabuhayan, ang imprastraktura, at ang kapaligiran.
Kabilang sa mga binigyang-pansin ni Mayor AA ay ang kalusugan ng mga Imuseño sa pamamagitan ng libreng COVID-19 Antigen Test at RT-PCR Test, apat na bagong ambulansya, libreng breast at cervical cancer screening, at ang pagbuo ng disease surveillance team para sa pagbabantay ng mga nakahahawang sakit. Agad din niyang itinatag ang City College of Imus (CCI), hatid ang libreng vocational courses at ang nakatakdang karagdagang Bachelor of Science in Hospitality Management at Tourism Management. Inilunsad din ni Mayor AA ang Binhing Advincula Scholarship at Binhing Advincula Educational Assistance para sa pag-aaral ng mga Imuseño. Sa serbisyo publiko para sa lahat, regular na nakapagbibigay ang pamahalaan ng tulong pinansyal, medikal, at pangpalibing katuwang ang Department of Social Welfare and Development, pamamahagi ng senior citizen’s subsidy sa 31,394 na lolo at lola, at centenarian grant sa ika-100 kaarawan ng mga senior citizen. Inilapit din ng kaniyang administrasyon ang libreng legal advice at late birth registration sa bawat barangay sa lungsod. Regular ding nag-iikot ang mga water tanker sa mga kabahayan bilang pansamantalang solusyon sa kakulangan ng tubig. Mula noong Agosto 2023, 291 magkabiyak na ang ikinasal ni Mayor AA sa pamamagitan ng Kasalang Imuseño.
Pinatunayan ng administrasyong Advincula ang pangakong mabuting pamamahala sa pamamagitan ng paglunsad sa iba’t ibang programa. Bahagi rito ang pakikipagtulungan ni Mayor AA sa Maynilad upang maitayo ang Anabu Modular Treatment Plant at inisyal nang masuplayan ang humigit-kumulang 13,000 pamilya. Kasama na ang pagpapanatili ng zero ghost employees at ang sinumpaang isang gobyernong may pananagutan. Pinaigting din ang pagsasagawa ng road clearing operations sa pamamagitan ng pagsisigurong walang anumang istraktura at sasakyan ang humaharang sa daanan ng mga tao at ng mga sasakyan. Inilunsad ang programang “AAsenso Ka sa Buwis na Binayad Mo” upang mahikayat ang mga taxpayer na magbayad ng kanilang buwis sa tamang oras, Itinatag din ang Help Assistance Desk upang mas magabayan ang taxpayers at business owners sa kanilang mga transaksyon sa pamahalaan.
Unti-unti nang isinasakatuparan ang pagtatayo ng AAruga Residences – isang proyektong pabahay ng administrasyong Advincula – sa tulong ng Department of Human Settlements and Urban Development. Katuwang ang pribadong sektor, iba’t ibang programang pangkabuhayan ang ipinatupad. Kabilang na ang paglunsad sa Job Matching, A Sectoral Dialogue kasama ang mga negosyante at namumuhunan, at Business Process Outsourcing Training na tinawag na “Career Forward Training” kabalikat ang TaskUs. Tuloy-tuloy rin ang pagdaraos ng mga trade fair, livelihood skills training, at ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers sa tulong ng Department of Labor and Employment. Inalalayan din ng pamahalaan ang mga nagsipagtapos sa CCI na makahanap agad ng trabaho. Hindi rin kinalimutan ng alkalde ang mga magsasakang Imuseño sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga buto ng palay at pampataba sa kanilang tanim na palay at gulay.
Agarang inilatag ni Mayor AA ang kaniyang mga plano para sa pagpapaganda ng imprastraktura sa Imus. Bahagi na ang pagtatayo ng bagong Birthing Home at Dialysis Center sa Ospital ng Imus, super health centers, karagdagang day care learning center, at pampublikong sementeryo. Nakatakda ring maitayo ang tatlong bagong pampublikong paaralang elementarya sa Imus na papangalanang Anastacio S. Advincula Integrated School, Francisca Tirona Benitez Elementary School, at City of Imus Integrated School. Binuksan na rin ang panibagong multi-purpose halls ng mga barangay at mga bagong diversion road. Kasalukuyan namang isinasaayos ang wet market ng Imus Public Market, pinaiilawan ang mga pangunahing daan, dinaragdagan ang road safety measures, ginagawa ang mga lubak na daan, at itinatayo ang Malagasang Flyover sa Open Canal Road.
Sa layuning luminis at mapanatili ang kalinisan sa Imus, binuo ng pamahalaan ang Bantay Kalikasan – isang grupo ng mga street sweeper at eco-aide na nakaatas sa pagpapanatili ng kalinisan sa lungsod. Pinatibay rin ang “No Segregation, No Collection Policy” para sa mas maayos na pagbubukod-bukod at pagresiklo sa mga basura, kasabay ang dalawang beses sa isang linggong pagkolekta rito. Sa tulong ng River Rangers, pinaigting naman ang paglilinis sa Ilog ng Imus sa pamamagitan ng lingguhang paglilinis.
Inilahad din ni Mayor AA ang mga pagkilalang natanggap ng Imus mula nang siya ay manungkulan. Ilan sa mga ito ay ang First Place Exemplary Children’s Library Service Award sa 10th Conference on Children and Young Adults Librarianship ng National Library of the Philippines, Outstanding SubayBAYAN Local Government Unit (LGU) in CaLaBaRZon, Gold Award na may rating na 98 porsyento sa 2022 LGU Compliance Assessment para sa Manila Bay Clean-up, Rehabilitation, and Preservation Program, at ang Seal of Good Local Governance. Pinarangalan din ang pamahalaan ng Beyond Compliant rating sa 22nd Gawad KAlamidad at Sakuna LAbanan, SAriling Galing ang Kaligtasan Seal and Special Awards for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assistance, gayundin ang Rank 1 in Resilience Award sa 2022 Cities and Municipalities Competitiveness Index Provincial Awarding. Ipinahayag ni Mayor AA na patuloy niyang tutuparin ang pangakong isang matapat at mahusay na paglilingkod patungo sa kaunlaran ng Lungsod ng Imus.