OSPITAL ng Imus — Sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, ginanap ang pagpapasinaya at pagbabasbas sa bagong Birthing Home at Dialysis Center ng Pamahalaang Lungsod ng Imus nitong Hunyo 29, 2023. Ayon kay Mayor AA, para ito sa lahat ng mga Imuseñong nangangailangan ng maayos na paanakan at hemodialysis treatment. Sa tulong ng PhilHealth, maaari nang magpakonsulta at manganak ang mga nagbubuntis nang walang bayad sa Birthing Home. Bukas din ito 24 na oras at handang kumalinga sa hanggang anim na pasyente. Nakatakda namang magkaroon ng 30 dialysis machines ang nasabing Dialysis Center. Inilahad din ni Mayor AA na matagal na niyang pinapangarap ang isang Dialysis Center noong naninilbihan pa lamang siya bilang Congressman. Ipinahayag din niya ang kagustuhang mabigyang-solusyon ang sanhi ng sakit sa bato nang sa gayon ay hindi na ito humantong sa pagpapa-dialysis. Dagdag pa ng alkalde na hiling niyang mabigyan nang maayos na buhay ang mga bata mula sa kanilang kapanganakan hanggang sa pagtatrabaho. Saksi rin sa inagurasyon sina City Vice Mayor Homer Saquilayan at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, Chief of Staff Allen Atienza bilang kinatawan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, City Health Officer Dr. Ferdinand Mina, at Chief of Hospital Dr. Gabriel Gabriel.