City of Imus

Anabu Modular Treatment Plant ng Maynilad, binuksan na sa publiko



June 23



ANABU, Imus — Sa layuning madagdagan ang suplay ng tubig sa Imus, inisyal nang pinagana ng Maynilad Water Services, Inc., ang bago nitong Anabu Modular Treatment Plant (ModTP) na nagkakahalagang P2.12 bilyong sa Lungsod ng Imus nitong Hunyo 23, 2023.

Ayon sa pahayag ng Maynilad, nakatakda itong magsuplay ng 16 million liters per day (MLD) sa humigit-kumulang 114,900 kabahayan sa ganap na pagpapatakbo bago matapos ang taon.

Sa ngayon, 5.5 MLD pa lamang ang naisusuplay sa humigit-kumulang 13,000 pamilya.

Sa kaniyang mensahe, isinaad ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula na agad niyang pinagtuunan ng pansin ang pagresolba sa kakulangan sa suplay ng tubig sa simula pa lamang ng kaniyang panunungkulan.

Dagdag pa ng alkalde na naging maayos ang kaniyang pakikipag-usap sa Maynilad dahil naniniwala siya na maaaring magawan ng paraan ang naturang problema kung ito ay nanaisin.

Inilahad din niya na bukod sa Ilog ng Imus ay magtatayo rin ang Maynilad ng karagdagang treatment plant sa Ilog ng Julian.

Bukod sa pag-iikot ng mga water tanker, kasalukuyan ding nakalatag ang mga plano para sa pagsasaayos ng mga deep well sa iba’t ibang barangay sa lungsod.

Nakasama rin sa isinagawang soft opening ng Anabu ModTP sina Maynilad President at Chief Executive Officer Mr. Ramoncito Fernandez, Assistant Vice President at Head of Government Relations Ms. Marie Antonette de Ocampo, at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Administrator Engr. Leonor Cleofas.

Ang pagpapatayo ng mga ModTP ay bahagi rin ng mga isinasagawang paghahanda ng Maynilad sa nagbabadyang panahon ng El Niño.

Nakiusap din si Mayor AA sa kaniyang mga kapwa Imuseño na habaan pa ang pasensya sapagkat patuloy na nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa Maynilad at sa MWSS para sa tuloy-tuloy na daloy ng tubig sa bawat kabahayan sa Imus.