City of Imus

Imus Pride 2023, araw ng pagbandera sa pagkakakilanlan ng LGBTQIA+ members



June 17



IMUS City Plaza – Makulay, malikhain, at higit sa lahat, makatao ang ginanap na Imus Pride 2023 na pinangunahan ng City of Imus Youth Affairs Office (YAO) nitong Hunyo 17, 2023, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Pride Month ngayong Hunyo.

Sa temang “Embracing Differences, Celebrating Diversity,” tampok sa selebrasyon ang iba’t ibang aktibidad na nagbibigay-lakas sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community na nakakaranas ng araw-araw na diskriminasyon, panghaharas, at pang-aabuso dahil sa kanilang pagkakakilanlan.

Binuksan ng Pride Parade ang programa sa pamamagitan ng pagparada ng mga makukulay na kasuotan at pagkatao ng mga miyembro. Kabilang din dito ang Reyna ng Turismo Cavite Fourth Runner Up na si Ms. Sophia Viray.

Sinundan ito ng Pride Convo, kung saan tinalakay ni Miss Trans Global 2020 Mela Habijan ang kahalagahan ng pagsulong ng Anti-Discrimination Bill upang mawakasan ang diskriminasyon at mabigyan ng pantay na proteksyon ang bawat isa, anuman ang kasarian, pagkakakilanlan, at pagkatao.

Nagpahayag din ng suporta sina Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Enzo-Asistio Ferrer, Sangguniang Kabataan Federation President Joshua Guinto, Imus YAO Officer-in-charge Jericho Reyes, Acting City Tourism Officer Dr. Jun Paredes, at ang kinatawan ni Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula na si Chief of Staff Allen Atienza.

Nagtapos ang gabi sa pagtatanghal ng mga talentadong Imuseño at miyembro ng LGBTQIA+ sa SOGIE (Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression) Night.

Bahagi rin nito ang pasiklaban ng mga kalahok ng Wear Ur Pride Costume Contest, kung saan hinirang bilang Top Three Best in Costume sina Resty Siarez, Ris Alday, at Jergens Del Rosario.

Ipinakilala rin ng mga miyembro ang kanilang mga gawang produkto sa Pride Fair.

Naghatid naman ang Imus City Health Office (CHO) ng libreng HIV screening at testing, gayundin ng libreng condom, lubricant, at pills sa pamamagitan ng programang Test Landing on You. Bukas din ang tanggapan nitong Imus Reproductive and Wellness Center para sa mga Imuseñong nais magpa-test.

Dinala rin ng Pilipinas Shell Foundation Inc., ang kanilang Mobile Health and Wellness Caravan at nagbigay ng libreng HIV protection, test, at treatment.

Ang Imus Pride 2023 ay ang ikaapat na taon ng pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus para sa pagsusulong ng pantay na pagtingin at karapatan sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Kasamang sumusuporta sa nasabing adbokasiya si City Mayor Alex “AA” L. Advincula na naniniwalang karapatan ng bawat isa ang mamuhay nang ligtas at payapa, anuman ang kanilang kasarian at estado sa buhay.