IMUS CITY GOVERNMENT CENTER — Pinangunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang pagtataas ng Pambansang Watawat ng Pilipinas nitong ika-11 ng Hulyo, sa unang pagkakataon mula nang mag-umpisa ang kaniyang termino. Nakiisa rin sina Kinatawan Adrian Jay Advincula, mga konsehal Lloyd Jaro, Yen Saquilayan, Larry Nato, Jelyn Maliksi, Dennis Lacson, Darwin Remulla, Mark Villanueva, Totie Ropeta, Sherwin-Lares Comia, Enzo-Asistio Ferrer, at Igi-Revilla Ocampo, Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan, at Sangguniang Kabataan (SK) President Joshua Guinto. Sa pagharap ng Punong Lungsod sa mga kawani ng lokal na pamahalaan, hinimok niya ang mga ito na magkaisa at yakapin ang pagbabago. Siya ay nagpaalala rin sa kahalagahan ng maayos na pagtatrabaho at mahusay na pagseserbisyo sa taong-bayan. Nangako naman ang Alkalde na babaguhin niya ang sistema sa mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod upang mabigyan ng tamang serbisyo ang mamamayan. Ayon kay Mayor Advincula, “Iparamdam na sa tama napupunta ang binabayad na buwis ng mga taxpayer sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang serbisyo. Kailangan tulungan natin sila. Kailangan alagaan natin sila. Kaya tayo narito sa puwesto para tulungan ang pangangailangan ng bawat Imuseño.” Tinalakay rin ng Alkalde ang kahalagahan ng malinis at maayos na tahanan ng Pamahalaang Lungsod, sapagkat ito ang sumasalamin sa dedikasyon sa paglilingkod. Dagdag pa ng Punong Lungsod na titiyakin niya ang pag-angat ng Lungsod ng Imus. “Maraming maninibago sa pagbabago. Umasa kayo, dadalhin ko, dadalhin natin sa maganda at sa maayos ang ating Lungsod,” pahayag ni City Mayor Advincula.