City of Imus

Tugon sa Pagbabago: Ang inagurasyon at panunumpa ng mga bagong lingkod bayan ng Imus



June 30, 2022



IMUS CITY GOVERNMENT CENTER—Nanumpa ang mga bagong halal na lider ng Pamahalaang Lungsod ng Imus kasabay ng kanilang inagurasyon, tanghali ng ika-30 ng Hunyo. Ang seremonyang ito ang hudyat ng pagsisimula ng mga lingkod bayan sa kanilang tungkulin sa publiko.

Pinangunahan ni Gob. Jonvic Remulla ng Lalawigan ng Cavite ang panunumpa nina Punong Lungsod Alex “AA” L. Advincula, Pangalawang Punong Lungsod Homer “Saki” Saquilayan, at mga konsehal na sina Lloyd Jaro, Yen Saquilayan, Larry Nato, Jelyn Maliksi, Dennis Lacson, Darwin Remulla, Mark Villanueva, Totie Ropeta, Sherwin-Lares Comia, Atty. Wency Lara, Enzo-Asistio Ferrer, at Igi-Revilla Ocampo.

Kabilang din sa mga nanumpa sina Kinatawan Adrian Jay “AJ” Advincula at mga Board Member Shernan Jaro at Ony Cantimbuhan ng Ikatlong Distrito ng Cavite.

Sa mensahe ni City Mayor Advincula, hiningi niya ang suporta ng mga kapwa kawani at ng mamamayang Imuseño. Inamin din niya na mabigat ang mga problemang kinakaharap ng bawat Imuseño, ngunit buo ang loob ng alkalde na malalampasan ang mga ito sa tulong ng isang gobyernong maaasahan sa lahat ng oras.

Inihain din ng punong lungsod ang mga proyekto at programang kaniyang tututukan, o ang five-point agenda, sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation. Nakapaloob dito ang kalusugan, edukasyon, at serbisyong publiko; maayos na pamamahala; pabahay at pangkabuhayan; imprastraktura; at kapaligiran.

Bahagi rin ng inagurasyon ang Vice Governor ng Lalawigan na si Athena Tolentino, sina City Mayor Luis Ferrer IV at Vice Mayor Jonas Glyn Labuguen ng Lungsod ng General Trias, City Mayor Strike Revilla ng Lungsod ng Bacoor, at ang mang-aawit at proud Imuseño na si Christian Bautista.

Bago matapos ang programa, nilagdaan ng punong lungsod ang una niyang executive order na naglalayong maging tapat at may pananagutan ang lokal na pamahalaan.

Nangako rin ang alkalde na mararamdaman ng bawat Imuseño ang pagbabagong dala ng kaniyang administrasyon.

“Umasa po kayo, dadalhin natin ang ating lungsod sa isang maayos at maginhawang lungsod,” ani Mayor Advincula.