City of Imus

Mayor AA isinagawa ang kauna-unahang Kasalang Imuseño



August 11, 2022



Pinangunahan ni City Mayor Alex "AA" L. Advincula sa unang pagkakataon ang kasalan ng siyam na Imuseñong magkabiyak noong ika-11 ng Agosto.

Sa mensahe ni Mayor AA, nagbigay-payo siya sa kahalagahan ng pagpapakumbaba anumang pagsubok ang harapin ng mga mag-asawa.

Ayon sa punong lungsod, “Ang buhay ay [puno] ng ups and downs—aangat, bababa—may away, minsan bati, minsan masaya. Dadaan lahat ‘yan sa buhay ninyo. Pinakaimportante sa lahat, pagtitiis at pasensya. Laging magpakumbaba.”

Dinaluhan din ni Kinatawan Adrian Jay “AJ” Advincula ang pagdiriwang, kung saan ipinahayag niya ang hangarin nila ng punong lungsod.

“Una pong magkakasal ni Mayor AA, gusto naman po namin, ‘yung pong kaniyang unang ikakasal ay pagpalain at dumating ang blessing na hinihingi ninyong mag-asawa,” pahayag ni Cong. AJ.

Pinangasiwaan nina City Chaplain Sancho Sampot at Deputy Chaplain Ramil Ilano ang naturang seremonya.

Samantala, nakatanggap ng rice cooker at electric fan ang lahat ng mga unang ikinasal ni Mayor Advincula.

Ang Kasalang Imuseño, “AAlagaan ka habang buhay,” ay handog ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mamamayang Imuseñong nais magpakasal, anuman ang estado sa buhay.

“At lagi ninyong tatandaan, walang tutulong sa atin kung ‘di sarili natin. Nandito lang kami para umalalay, gumabay, at suportahan kayo. Pero sa dulo ng lahat, kayo pa ring mag-asawa ang magtutulungan sa hirap at sa ginhawa. Kaya laban lang, lahat [ay] makakaraos din,” ani Mayor AA.