Ipinagdiwang ng Lungsod ng Imus ang ika-130 anibersaryo ng makasaysayang Labanan sa Imus sa Tulay Isabel noong Setyembre 3, 2026, sa pangunguna ng Office of the City Tourism and Heritage Officer (OCTHO), upang alalahanin ang kabayanihan ng Himagsikang Pilipinong na dinepensahan ang bayan ng Imus. Nagsimula ang programa sa makasaysayang martsa mula sa Bantayog ni Koronel Jose Tagle sa Barangay Bayan Luma III patungong Tulay Isabel sa Barangay Poblacion I-A, kaisa ang mga kinatawan mula sa Philippine Navy, Army, Coast Guard, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology, habang naghatid ng musika sa pagdiriwang ang Commonwealth Band No. 1. Kabilang sa mga nanguna sa pag-aalay ng bulaklak sa Bantayog ng Labanan sa Imus sina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Philippine Red Cross Chairman Richard “Dick” Gordon, at City Tourism and Heritage Officer-in-Charge (OIC) Jose Rafael “Paeng” Alarcon na nagbahagi ng kani-kanilang mensahe hinggil sa kahalagahan ng paggunita sa makasaysayang labanan. Nanawagan si Mayor AA sa mga kabataang magbalik-tanaw sa makasaysayang laban nang may utang na loob at paggalang, at higit sa lahat, pagmamalasakit sa bayan. “Sa ating mga kabataan, syempre ang mensahe natin, alalahanin niyo na ang inyong kalayaang tinatamasa ngayon ay utang niyo pa sa ating mga ninuno. Dugo at pawis, sakriprisyo, at syempre ang kanilang malasakit. So, sa ating mga kabataan, ating patuloy na hiling [ay] ang inyong pagkakaroon ng malasakit sa ating bayan. Ito ang bayan na inyong kalalakihan. Ito ‘yong bayan na ipagmamalaki pagdating ng panahon—dapat alagaan at ingatan,” ani ng alkalde. Ipinaalala naman ni Chairman Dick Gordon na ang Labanan sa Imus ay ang labang unang nagpasiklab para matamasa ng bansa ang kalayaan at tiwalang maipagpapatuloy ito ng mga susunod na henerasyon. “And that is why it is important for you to remember (Kaya’t mahalagang matandaan ninyo) na ang laban dito ay labanan ng tiwala ng mga Pilipino sa ating bansa. Labanan na kahit salat sa gamit, sa armas,” batid ni Gordon. Binigyang-diin naman ni OIC Paeng Alarcon ang kahalagahan ng pag-alala sa nakaraan para sa mas magandang kinabukasan at ang pagkakaisa para harapin ang anumang problema. “Unang-una ang kawalan ng kaalaman sa kasaysayan ay kamangmangan sa kinabukasan. Sana sa paggunita natin sa Labanan sa Imus, maalala natin ‘yong mga prinsipyo na ipinaglaban ng ating mga ninuno, ang katapangan na inalay. . .at sana maipagpatuloy natin ito sa ating araw-araw na pamumuhay. Ang tapang na nasa lugar, ang pakikibaka sa mga bagong problema na hinaharap ng bayan. Sama-sama dahil ang Labanan sa Imus ay pinagtulungan ng iba’t ibang puwersa,” pahayag ni OIC Alarcon. View this article on Facebook
