City of Imus

Kauna-unahan sa Pilipinas: Imus Retarding Basin, opisyal nang inilipat ang pangangalaga sa Cavite LGU


September 1, 2026



Pormal nang isinailalim ang pangangalaga ng Imus Retarding Basin—isang proyekto para maiwasan ang mabilis na pagtaas ng tubig sa Ilog ng Imus na pinangunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Japan International Cooperation Agency (JICA) —sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, noong Setyembre 1, 2026, na matatagpuan sa Palanas Road, Barangay Anabu I-G.

Nanguna sa turnover ceremony sina DPWH Secretary Vince Dizon at JICA Philippines Chief Representative Baba Takashi, kasama sina Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Jonvic Remulla, Cavite Governor Abeng Remulla, Cavite Vice Governor Ram Revilla, at Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula.

Ang nasabing 35-ektaryang pasilidad ay pinondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance ng gobyerno ng Japan. Magkasamang isinagawa ng DPWH at JICA ang konstruksyon ng proyekto na natapos noong 2021 at nasimulang gamitin taong 2022.

Ayon kay Mayor AA, malaki ang naging tulong ng proyektong ito para maibsan ang mabilis na pagtaas ng tubig-baha sa mga lugar na malapit sa ilog na dati ay nakararanas ng matinding pagbaha.

“Napakalaking tulong, just to hold the water for a while. Hindi naman siya habangbuhay iho-hold. So titigil naman din ‘yong ulan,‘di ba? Paspasang ulan let’s say, five hours, then three hours ‘yong pahinga. ‘Yong three hours na ‘yon ay magri-release siya nang dahan-dahan,” ani Mayor AA. 

Dagdag pa ng alkalde na bumaba sa 10 mula 40 porsyento ang mga komunidad na nakaranas ng pagbaha nitong nagdaang mga paulang dulot ng habagat.

“Dati kasi ang bumabaha sa’kin [ay] 40 percent, pero ang natira sa Imus [ngayon] ay 10 percent na lang. So, ang laking tulong sa bayan natin,” paglahad ng alkalde.

Kasama sa Imus Retarding Basin ang 84 na metrong overflow dike na may taas na tatlong metro, 1.3 kilometrong surrounding dike at 1.1 kilometrong separating dike. Tinatayang dalawang milyong cubic meters ng lupa ang hinukay ng DPWH upang maabot ang pitong metrong lalim sa loob ng 35-ektaryang lawak ng pasilidad.

Ipinahayag naman ni DPWH Secretary Dizon ang planong magsagawa ng proyektong katulad nito sa iba pang mga rehiyon sa bansa, higit sa mga probinsyang nakararanas ng matinding pagbaha.

Saad ni Secretary Dizon, “Ito talaga ang model, kasama [rin] ng mga ibang retarding basin na ginawa na rin in the past. Pero, talagang importanteng makita ng mga kababayan natin para naman hindi sila mawalan ng pag-asa. Kung gagawin nating ganito, gagawin natin nang tama, kamukha ng ginawa rito sa Cavite, may solusyon din ang problema sa Central Luzon.”

Ang Imus Retarding Basin ay nagsisilbing pansamantalang imbakan ng sobrang tubig-ulan upang pansamantalang mabawasan ang tubig na dumadaloy sa Ilog ng Imus. Sa pamamagitan nito, naiibsan ang mga biglaang pagbaha sa mabababang lugar, lalo na sa paligid ng naturang ilog.

Sa paglipat ng pangangalaga sa lokal na pamahalaan ng Cavite, sinisiguro nina SILG Jonvic Remulla, Governor Abeng Remulla, at Mayor AA na mapangagalagaan ito nang mabuti, kasama na ang planong maging lugar-pasyalan ito tuwing maganda ang panahon.

“Ngayon nga lang sa umaga, punta kayo rito, may nagwa-walking… may joggers na. Pero ‘yong loob niyan, nakapagplano na kami ni Governor [na] gagawin naming football field at baseball field kasi tingnan ninyo, wala nang tubig ngayon,” pabatid ng alkalde.

Dagdag pa niya, “’Yong maintenance handled na, pero siyempre tutulong kami, kahit papaano ay mayroon kaming stock, mayroon kaming equipment. Tutulungan namin ang probinsya.”

View this article on Facebook