Sa ikatlong pagkakataon, pinatunayan ng Malagasang Sluggers ang kanilang kahanga-hangang galing sa softball nang masapul ang kampeonato sa Super Division sa finals ng Third Imus City Invitational Softball Tournament nitong Agosto 16, 2026, sa City of Imus Grandstand and Track Oval. Tinapos ng Malagasang Sluggers ang laban kontra Anabu First Ragatan sa puntos na 6-1. Maagang umabante ang Malagasang Sluggers matapos itong magtala ng dalawang run sa unang inning para sa dalawang puntos na lamang. Gumanti naman ang Anabu First Ragatan sa bottom second inning matapos ang isang home run at nabawasan ang lamang ng Malagasang Sluggers sa puntos na 2-1. Ngunit, nagpatuloy ang Malagasang Sluggers sa pagdomina ng laro hanggang sa maitaas ang kanilang lamang sa 5-1 bago sumapit ang huling inning. Muling umarangkada ang Malagasang Sluggers sa top seventh inning matapos humataw ni Umali para itaas ang kanilang lamang sa puntos 6-1 na may dalawang outs sa inning. Napanatili ng Malagasang Sluggers ang kanilang korona sa softball at naiuwi ang P200,000 premyo. Ipinagkaloob naman sa Anabu First Ragatan ang P75,000 matapos makuha ang unang puwesto. Samantala, nakuha ng Anabu First Animca ang ikalawang puwesto at ang P50,000, habang pumangatlo ang Baylum Oldtowns na nakatanggap ng P25,000. Sa Club Division naman, nasungkit ng Tanzang Luma St. John ang kampeonato matapos talunin ang Anabu Second Pasong Santol sa puntos na 13-3 sa sixth inning. Sinundan naman ito ng Bucandala Prides na nakuha ang ikalawang puwesto at ng Palico Slider na pumangatlo. Ang bawat koponan ay nakatanggap ng P20,000 premyo bilang pagkilala sa kanilang talento sa softball. Binigyang-pagkilala rin ang mga manlalarong nagpakitang-gilas sa buong liga. Mula sa Bucandala Prides, kinilala si Wilfredo Hidalgo Jr. bilang Best Hitter, habang ginawaran si Xyle Camungol mula sa Tanzang Luma Knights ng Most Stolen Base Award. Kinilala rin si Cris Aliling mula sa Malagasang Sluggers bilang Best Pitcher, habang itinanghal na Most Stolen Base si Julius De Olazo. Ipinarangal kay Nestle Umali ang Most Valuable Player (MVP) of the Season. Samantala, humakot ng mga parangal sa Super Division si Jerome Florida matapos makuha ang Finals Most Valuable Player, Most Runs Batted In, at Best Slugger Awards. Sa kabila ng pabago-bagong panahon, hindi nawala ang matinding suporta ng mga Imuseño sa paligsahan. Dinaluhan din ito ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, department heads, at mga kawani mula sa iba't-ibang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus. Naghandog din ng isang pagtatanghal ang AJAA Hot Angels na nagdagdag-sigla sa pagtatapos ng paligsahan. Ibinahagi rin ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang kanyang karanasan at taos-pusong pasasalamat sa matagumpay na pagdaraos ng aktibidad. Sa pagtatapos ng Ikatlong Imus City Invitational Softball Tournament, muling ipinamalas ng mga manlalaro ang kanilang galing, determinasyon, at pagkakaisa sa larangan ng softball. Patuloy rin ang walang-sawawng suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa bawat atleta ng softball. View this article on Facebook
