City of Imus

Tugon ng Imus LGU sa ulang dala ng Habagat


Agosto 5–18, 2026



Agaran ang naging pag-aksyon ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mga pag-ulang naranasan sa Imus sa nakalipas na dalawang linggo mula Agosto 5–18, 2026. Kabilang sa mga isinagawa ay ang pre-disaster risk assessment (PDRA), unclogging at clearing operations, rescue at relief assistance, gayundin ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan at suporta sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.

Agosto 5: Paghahanda

Nagsagawa ang City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), sa pangunguna ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, ng PDRA meeting upang paghandaan ang posibleng epekto ng Habagat na pinalakas ng bagyong Maymay. Tinalakay sa pagpupulong ang mga plano at koordinasyon ng iba’t ibang sangay ng Preparedness and Response Committee upang matiyak ang maagap na pagtugon sa inaasahang masamang panahon. Upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral, nag-anunsyo rin ng suspensyon ng klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod para sa araw ng Huwebes, Agosto 6. 

Agosto 6–7: Umpisa ng paghahatid ng agarang serbisyo

Nagsimulang maghatid ng agarang serbisyo at tugon ang lokal na pamahalaan.

Nakaantabay ang healthcare workers ng Office of the City Health Officer (OCHO) para sa agarang konsultasyon, libreng doxycycline para sa mga lumusong sa baha, at iba pang serbisyong pangkalusugan.

Mahigpit namang binantayan ng Office of the City Disaster Risk Reduction and Management Officer (OCDRRMO) ang lagay ng panahon at sitwasyon sa iba’t ibang bahagi ng lungsod. Naging handa rin ang Mobile Command Center at rescue vehicles para sa agarang pagtugon sa gitna ng masamang panahong dulot ng Habagat na pinalakas ng bagyong Maymay.

Samantala, mabilis na tumugon ang Engineering Action Team sa paglilinis ng mga kanal sa mabababang lugar at pagtabas ng mga puno upang maiwasan ang panganib na maaaring maidulot sa mga residente.

Agosto 8–9: Paghahatid ng relief assistance, clearing operations

Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang clearing operations, relief assistance, at health monitoring sa mga lugar na malubhang naapektuhan ng pinalakas na Habagat. 

Nagsagawa ang Engineering Action Team ng pagputol ng mga sanga at pag-alis sa mga natumbang puno, habang sinuri ng City Health Workers ang kalusugan ng mga evacuee sa evacuation centers upang matiyak ang kanilang malusog na pangangatawan.

Agaran ding rumesponde ang mga rescuer sa mga motorista at residenteng naipit sa daan sa gitna ng mataas na tubig baha.

Nagpaabot naman ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga evacuee ng Tinabunan Elementary School upang maging maayos ang kanilang pansamantalang panunuluyan sa nasabing evacuation center.

August 10: Pagdeklara ng State of Calamity

Idineklara ang State of Calamity sa Lungsod ng Imus kasunod ng matinding epekto ng pinalakas na Habagat sa mabababang lugar.

Sinimulan na rin ang pamamahagi ng family food packs sa mga residente ng Barangay Medicion 2nd.

Nagpatuloy naman ang Engineering Action Team sa clearing operations upang alisin ang mga nagkalat na sanga, putik, basura, at iba pang bakas na iniwan ng mga nakaarang pag-ulan. Samantala, sinuri ng Office of the City Agriculturist ang mga apektadong sakahan upang matukoy ang pinsala sa mga pananim at magsilbing batayan sa pagbibigay ng kaukulang tulong sa mga apektadong magsasaka.

Agosto 11–12: Tuloy-tuloy na serbisyo publiko 

Nagpatuloy sa pag-alalay ang lokal na pamahalaan sa mga lubos na apektadong residente sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na paghahatid ng family food packs sa Barangay Medicion 2nd.

Patuloy rin ang Engineering Action Team at Bantay Kalikasan sa paglilinis sa iba’t ibang barangay.

Agosto 13: Pagsisimula ng konstruksyon ng earth canal sa Centennial Road

Sa pangunguna ng Office of the City Engineering, inumpisahan ang konstruksyon ng pansamantalang earth canal sa kahabaan ng Centennial Road mula sa Barangay Medicion 2nd—isa sa mga solusyon ng Pamahalaang Lungsod upang tuluyang malutas ang regular na pagbahang nararanasan dito tuwing malakas ang buhos ng ulan.

Hangad din ng lokal na pamahalaan na maging permanente ang naturang kanal sa pamamagitan ng tulong ng pamahalaang nasyunal.

Agosto 17–18: Muling paghahanda sa banta ng habagat

Pinaigting ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang pagbabantay sa posibleng epekto ng muling pagbugso ng Habagat.

Muling inilapit ang Mobile Command Center sa barangay Medicion, rescue vehicles, at iba pang kagamitan upang mas mabantayan ang mabababang lugar sa lungsod.

Nagsagawa ring muli ng PDRA ang CDRRMC sa pangunguna ni Mayor AA. Siniguro ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang mas pinalakas na ang koordinasyon, ugnayan ng mga plano, at sistematikong pagtugon sa banta ng muling pagsungit panahon. 

Tuloy-tuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pag-aksyon sa mga sitwasyong kailangan ng agarang pagresponde at paglutas sa mga problemang nararanasan ng mga Imuseño.

View this article on Facebook