Muling nakapaghatid ng mga pangunahing serbisyo ang Pamahalaang Lungsod ng Imus noong Agosto 15, 2026, sa paglapit ng Aaksyon Caravan sa Barangay Tanzang Luma V, kung saan 3,225 Imuseño ang naserbisyuhan. Personal na kinumusta ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang mga residenteng malapit sa kanyang puso. Kaagapay ang iba’t ibang tanggapan, natanggap ng mga residente ang mga serbisyong kinakailangan nila. Inilapit ng pinakamalaking serbisyo caravan ang libreng legal na konsultasyon at notaryo mula sa Office of the City Legal Officer at libreng late birth registration mula sa Office of the City Civil Registrar. Libreng konsultasyong medikal, bunot ng ngipin at gamot naman ang inihandog ng Office of the City Health Officer at Ospital ng Imus. Nakasama rin ang Office of the Provincial Governor na naghandog ng libreng gamot, electrocardiogram (ECG), at X-ray. Katuwang din sa pagtugon sa pangangailangan ng mga residente ang tanggapan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula na hatid ang libreng pustiso at guarantee letters. Tinugunan naman ng Office of the Senior Citizens Affairs, Office of the Persons with Disability Affairs Officer, at Office of the City Social Welfare and Development Officer ang pangangailangan ng senior citizens, mga may kapansanan, at mga kapos-palad. Samantala, inilapit ng Office of the City Mayor– Public Employment Service Office ang trabaho sa mga Imuseñong nangangailangan nito, habang namahagi ng libreng binhi ng gulay ang Office of the City Agriculturist upang matulungan ang mga residente sa pagkakaroon ng taniman sa kani-kanilang bakuran. Patuloy na mag-iikot ang Aaksyon Caravan sa iba’t ibang barangay sa lungsod nang sa gayon ay marami pang Imuseño ang makatanggap ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan. View this article on Facebook
