City of Imus

Bigay Bigas sa Masa, Todo-bigay sa Imus


July 17-23, 2026



isinulat ni Shaina Danielle Sy

Ipinamahagi na sa mahigit 30,000 pamilya mula sa iba’t ibang sektor ang unang tranche ng bigas mula sa pamahalaang nasyonal sa ilalim ng programang ‘Bigay Bigas sa Masa’ sa mga araw ng Hulyo 17, 21–23, 2026, sa New Imus City Government Center.

Layon ng programang ito na tulungan ang mga pamilyang lubos na nangangailangan. Sa unang tranche, 10 kilong bigas ang inilaan sa bawat sambahayan.

Malaki man ang bilang ng ipinamahaging bigas sa lungsod, ayon kay Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, tiniyak pa rin ang maayos na kalidad ng mga ito bago ipamahagi ibigay sa masa.

Dagdag pa ng alkalde, malaking ginhawa ang hatid ng programa sa mga Imuseño, lalo na sa mga nangangailangan. Isa si Nanay Leonora, graduate ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), sa mga benepisyaryo nito,

“Malaking bagay na mapasama sa programa ng nasyonal na pamahalaan,” aniya.

Sa pang-araw-araw na gastos ay malaking tulong na para sa mga benepisyaryo ang programang ‘Bigay Bigas sa Masa’ dahil nakatutulong ito sa paghahanda ng pagkain sa kani-kanilang hapagkainan.

Naitala ng lokal na pamahalaan na 3,650 miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ang nakatanggap ng libreng bigas sa unang araw ng pamamahagi, kasama ang 1,625 miyembro naman ng Pedicab Operators and Drivers Association (PODA).

Noong ika-21 naman ng Hulyo ay mga solo parent at mga miyembro ng 4Ps ang nakatanggap ng bigas. Kasunod nito ay ipinamahagi sa informal settler families (ISF), senior citizens, delivery riders, ambulant vendors, jeepney drivers, at multicab drivers ang libreng bigas. Bago matapos ang linggo, naipaabot sa mga miyembro ng bantay kalikasan, eco aid utility, river rangers, fire volunteers, at persons with disabilities (PWD) ang handog na bigas ng pamahalaan.

Ipinadala ng pamahalaang nasyonal ang unang tranche noong Hulyo 13. Inaasahang tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng programa na nakatakdang isagawa sa huling bahagi ng taon: ang ikalawang tranche sa Setyembre, ang ikatlo sa Nobyembre, at ikaapat sa Disyembre.

View this article on Facebook