Inalala at binigyang-pugay ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang naging buhay ng isang tanyag na Imuseño na si Leonides Sarao Virata nitong Hulyo 14, 2026, sa Imus Public Cemetery, 50 taon mula nang siya ay pumanaw. Si Leonides Virata, mas kilala bilang “Tatay Iding,” ay ipinanganak noong Abril 22, 1915. Napakalaki ng kanyang naiambag sa pag-unlad ng bansa bilang isang ekonomista, diplomatiko, at haligi ng kalakalan na buong puso namang pinasalamatan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula. “Ako po at ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ay nagpapasalamat sa inyong dedikasyon, sa inyong angking galing at talino na iniwan. Hindi lamang sa ating lungsod, kundi sa buong Pilipinas. Kaya Tatay Iding, maraming, maraming salamat and God bless you,” ipinahayag ni Mayor AA. Pinangunahan din ng alkalde ang pag-aalay ng bulaklak sa puntod ni Virata, kasama sina Konsehal Igi Revilla Ocampo, Acting City Tourism and Heritage Officer (CTHO) Dr. Jun Paredes, at mga kamag-anakan ni Virata, kabilang na ang kanyang anak na si Luis Juan Virata at pamangkin na si dating Prime Minister Cesar Enrique Virata. Katuwang din dito ang Imus Pulis at si Rev. Fr. Renn Malia na naghandog ng taimtim na panalangin. Dinaluhan din ang paggunita ng mga opisyal ng Barangay Toclong I-A at mga kinatawan ng City of Imus – Schools Division Office, National Historical Commission of the Philippines, at Cavite Historical Society Chairperson Dr. Emmanuel Calairo. Isinalaysayan naman ni Konsehal Igi Revilla Ocampo ang talambuhay ni Virata na nagtatag ng Departamento ng Pananaliksik ng Central Bank, binuo ang konsepto ng Development Academy of the Philippines, at isa sa mga pangunahing tagapagtatag ng Far East Bank and Trust Company at Manila Doctors Hospital. Noong 1969, nagsilbing punong delegado ng bansa si Sarao Virata sa Economic Commission for Asia and the Far East bilang Kalihim ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya. Naging kanang kamay din siya ni Heneral Carlos P. Romulo sa Amerika noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at naging bahagi ng makasaysayang pagbuo ng United Nations. Naging tagapangulo rin si Virata ng Development Bank of the Philippines noong 1970, kung saan nailigtas niya ang bangko mula sa suliraning pinansyal sa pamamagitan ng mahigpit na disiplina sa pananalapi at mahusay na pamamahala. Naglingkod din siya bilang pangulo ng Philippine Chamber of Industries at Chamber of Commerce of the Philippines. Namayapa si Virata noong Hulyo 14, 1976, sa Houston, Texas, sa edad na 58 dahil sa kanser sa baga. Ang kanyang mga nagawa para sa ekonomiya ng bansa ay hindi matatawaran kahit kailan man. View this article on Facebook
