isinulat ni Joshua Beso Umabot sa 3,993 residente ng Cluster Two ang nakinabang sa mga pangunahing serbisyong panlipunan na inilapit ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pamamagitan ng Aaksyon Caravan sa Palazzo Belo II, Barangay Carsadang Bago II nitong Hulyo 18, 2026. Mainit na tinanggap ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang mga Imuseño sa kanyang kumustahan, kasama ang mga department at unit head ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang maghatid ng serbisyo. Handog ng caravan ang libreng legal na konsultasyon at notaryo mula sa Office of the City Legal Officer, libreng late birth registration mula sa Office of the City Civil Registrar, at libreng konsultasyong medikal, X-ray, at gamot mula sa Office of the City Health Officer at Ospital ng Imus. Kasama rin ang Office of the Provincial Governor sa pagbibigay ng gamot, Blood Glucose Test, at libreng electrocardiogram (ECG). Nakibahagi rin ang PhilHealth sa pamamagitan ng Yaman ng Kalusugan Program para Malayo sa Sakit (YAKAP) Registration upang matulungan ang mga Imuseñong mas maabot ang abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Samantala, hatid ng tanggapan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang libreng pustiso, konsultasyon sa mata, reading glasses, at guarantee letter. Inilapit ng Office of the Senior Citizens Affairs, Office of the Persons with Disability Affairs Officer, at Office of the City Social Welfare and Development Officer ang kani-kanilang serbisyo para sa mga Imuseñong higit na nangangailangan. Naging katuwang naman ng mga naghahanap ng trabaho ang Public Employment Service Office (PESO), habang ang Office of the City Agriculturist ay namahagi ng libreng binhi para sa mga nais magtanim ng gulay sa kani-kanilang bakuran. Abangan ang susunod na Aaksyon Caravan upang mas marami pang Imuseño ang makinabang sa mga serbisyong hatid ng pamahalaan. View this article on Facebook
