City of Imus

3rd Imus City Invitational Softball Tournament, opisyal nang sinimulan


July 11, 2026



Nag-umpisa nang paliparin ang bola ng mga Imuseñong pambato sa larong softball sa ikatlong taon ng Imus City Invitational Softball Tournament noong Hulyo 11, 2026, sa City of Imus Grandstand and Track Oval.

Isa sa mga isinusulong na laro sa larangan ng pangmalakasan, inilahad ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang planong malinang pa ang talento ng mga atletang Imuseño.

“Patunay na binubuhay natin ang sports sa ating lungsod. At, marami pa tayong programa sa sports nang sa gayon ay makabuo pa tayo ng magagaling na player, nang sa gayon ay magkakilala ang bawat player, nang sa gayon ay magkaroon ng pagkakaisa, at nang sa gayon ay magkaroon ng disiplina ang bawat isang manlalarong Imuseño,” pahayag ng alcalde alkalde.

Handang-handa na rin ang 11 koponan na harapin ang isa’t isa para sa iisang mithiin: ang hiranging pinakamagaling sa softball.

Binubuo ang paligsahan ng Anabu First Ragatan, Anabu Second Pasong Santol, Baylum Old Town, Malagasang Second Segundo, Buhay na Tubig (BNT) Socialites, Tanzang Luma Knights, Palico Sliders, Anabu First Animca, Bucandala Prides, Tanzang Luma St. John, at ang Second Imus City Invitational Softball Tournament Champion na Malagasang Sluggers.

Nagbukas ang softball tournament sa pagtugtog ng Imus Youth Symphonic Band ’83 kasabay ng pagparada ng mga koponan suot ang kanilang naggagandahang jersey. Nanumpa rin ang mga manlalaro sa Oath of Sportsmanship na pinangunahan ng Most Valuable Player ng First Imus City Invitational Softball Tournament na si Kevin Campaña mula sa Tanzang Luma St. John.

Opisyal na nagsimula ang liga sa Ceremonial Pitch nina Mayor AA, Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, at Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula. Nagbigay-suporta rin ang mga konsehal at department at unit heads sa naturang paligsahan sa kanilang pagdalo.

Unang nagharap ang Tanzang Luma St. John at Bucandala Prides, kung saan nakuha ng Tanzang Luma St. John ang unang panalo sa puntos na pito-anim.

Pinatunayan naman ng Malagasang Sluggers ang kanilang galing bilang kampeonato nang maungusan ang Anabu First Animca sa puntos na siyam-dos.

Magtutuloy-tuloy ang tagisan ng mga koponan sa Agosto 2026, kung saan nakatakdang makatanggap ng P100,000 ang kampeon, P75,000 para sa ikalawang puwesto, P50,000 sa hihiranging ikatlong koponan, at P25,000 para sa makakakuha ng ikaapat na puwesto. Makakatanggap naman ng P20,000 ang bawat koponan bilang consolation prize.

Ang Imus City Invitational Softball Tournament ay unang isinagawa taong 2024, at mula noon ay taon-taon na itong idinaraos ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

View this article on Facebook