City of Imus

Buhay na Tubig, bagong kampeon ng 4th Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament


July 2, 2026



Tagumpay ang Buhay na Tubig na masungkit ang kampeonato sa championship game ng Fourth Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament nitong Hulyo 2, 2026, sa City of Imus Sports Complex.

Bago tuluyang maipasa sa Buhay na Tubig ang kampeonato, una nang hinarap ng koponan ang dating defending champion na Bahayang Pag-Asa noong Hunyo 20, kung saan una rin nilang pinatunayan ang galing sa puntos na 98-87.

Bumawi naman ang Bahayang Pag-asa sa second game noong Hunyo 21 matapos makakuha ng puntos na 70-83.

Gayunpaman, nanaig ang tibay at lakas ng Buhay na Tubig nang maipasok ang 91 puntos kontra sa 87 ng Bahayang Pag-Asa sa kanilang huling paghaharap nitong Hulyo 2. Naging mainit ang labanan ng dalawang koponan na umabot pa sa overtime ang tagisan.

Mga ngiting hindi mabura ang nagmarka sa mga mukha ng manlalaro ng Buhay na Tubig nang hirangin sila bilang pinakabagong kampeon ng Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament. Bukod sa tropeo para sa mga kampeon, tinanggap din ng koponan ang premyong Php200,000.

Ipinarangal naman sa Bahayang Pag-asa ang ikalawang puwesto at ang Php150,000 na tanda ng kanilang galing sa ipinakitang laban.

Samantala, nakuha ng Bayan Luma ang ikatlong puwesto noong Hunyo 21 nang makapuntos ng 91 kontra Palico na nakapagtala ng 88.

Kinilala rin ang mythical five ngayong season na sina Axel Xandler Montesclaros ng Bayan Luma, Sidney Nelson Onwubere ng Palico, Kris Kelly Gurtiza at Dan Legaspi Sildo ng Buhay na Tubig, at Mac Adrian Balowa ng Bahayang Pag-Asa.

Hinirang naman si Jacob Galicia ng Bahayang Pag-Asa bilang Season’s Most Valuable Player (MVP), habang itinanghal na Finals’ MVP si Kris Kelly Gurtiza ng Buhay na Tubig.

Saksi sa tagumpay ng Buhay na Tubig sina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula na pinasalamatan ang mga Imuseñong sumubaybay at sumuporta ngayong season, Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, at mga konsehal.

View this article on Facebook