isinulat ni Joshua Beso Sa pagsisimula ng National Disaster Resilience Month, matagumpay na isinagawa ang Imus Resilience Walk Challenge 2026 na nagsimula sa NIA Road patungong City of Imus Grandstand and Track Oval noong Hulyo 1, 2026. Layunin nitong maihanda ang mga kalahok sa tamang kaalaman at kasanayan sa pagtugon sa mga insidente ng lindol sa antas ng kamalayan, at mapalakas ang pagkakaisa at samahan ng iba’t ibang rescue teams at volunteer groups sa Lungsod ng Imus. Nanguna sa aktibidad ang Office of the City Disaster Risk Reduction Management Officer (OCDRRMO) sa pamumuno ni CDRRMO Marisel Cayetano, katuwang ang Philippine Coast Guard, Bureau of Jail and Management and Penology, City of Imus Traffic Management Unit, at Office of the City General Services Officer. Kasama rin ang non-governmental organizations (NGOs) gaya ng Philippine Red Cross – Cavite, Wilderness Search and Rescue Philippines Inc. Cavite, at Tanggol Imus Fire Volunteer. Nakiisa rin ang pribadong sektor, kabilang ang San Miguel Yamamura Packaging Corporation, SMERT SM Center Imus, at Vermosa Emergency Response Team. Hindi rin nagpahuli ang mga barangay na kaagapay sa pagtugon sa mga emergency sa lungsod, kabilang ang Alapan I-C at II-A, Medicion II-F, Anabu I-A at II-B, at Pasong Buaya II. Nagbigay naman ng mensahe sa programa si Operations and Warning Officer Mark Joseph Bawalan mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nakatuon sa kahalagahan ng kahandaan, pagkakaisa, at patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya, volunteers, at komunidad upang mas maging matatag at ligtas ang Imus sa harap ng sakuna. View this article on Facebook
