Nailapit ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang mga pangunahing serbisyong panlipunan nito sa 3,893 Imuseñong residente ng Cluster Six, sa pamamagitan ng Aaksyon Caravan, nitong Hunyo 20, 2026, sa Kapatiran Village Basketball Court, Barangay Pasong Buaya II. Mainit na sinalubong ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang mga residente sa pamamagitan ng kanyang kumustahan. Katuwang ng alkalde ang mga department at unit head ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang maghatid ng pangunahing serbisyo. Handog ng caravan ang libreng legal na konsultasyon mula sa Office of the City Legal Officer, libreng late birth registration mula sa Office of the City Civil Registrar, at libreng konsultasyong medikal at gamot mula sa Office of the City Health Officer at Ospital ng Imus. Kaagapay rin sa pagbibigay ng gamot at libreng ECG (electrocardiogram) ang Office of the Provincial Governor. Kaisa rin ang PhilHealth sa paglapit nito ng YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program para Malayo sa Sakit) Registration, bilang bahagi ng pagpapaigting ng serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan. Hatid naman ng tanggapan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang libreng pustiso, konsultasyon sa mata, reading glasses, at guarantee letters. Inilapit naman ng Office of the Senior Citizens Affairs, Office of the Persons with Disability Affairs Officer, at Office of the City Social Welfare and Development Officer ang kani-kanilang serbisyo para sa mga Imuseñong higit na nangangailangan. Samantala, naging katuwang ng mga naghahanap ng trabaho ang Office of the City Mayor– Public Employment Service Office, habang kaagapay ng mga nais magtanim ng gulay sa kani-kanilang mga bakuran ang Office of the City Agriculturist na namahagi ng libreng binhi. Abangan ang anunsyo kung saan at kailan gaganapin ang susunod na Aaksyon Caravan upang mas marami pang mga Imuseño ang makinabang sa mga serbisyo ng pamahalaan. View this article on Facebook
