City of Imus

15,000 school bags at supplies, ipinamahagi ng Imus LGU sa Grades 1 at 4 students


June 16, 2026



Ipinagkaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa 15,000 pampublikong mag-aaral ng Grade One at Grade Four ang kanilang bagong bag at kagamitan noong Hunyo 16, 2026, sa Lungsod ng Imus, Cavite.

Layunin ng proyektong “Angat Ang May Pangarap” School Bag and School Supplies ng lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng City of Imus Council for the Protection of Children, na makatulong sa mga nasabing mag-aaral upang mabigyan sila ng magandang motibasyon sa pagbabalik-eskuwela.

Ang bawat bag ay naglalaman ng anim na notebook, apat na lapis, tatlong ballpen, tatlong pambura, isang pantasa, at isang ruler.

“Alam ko na mahal ang bilihin ngayon, alam ko na mahirap magpaaral, kaya ito pong mga bag at notebook, sana makatulong kahit papaano para sa ating mga kabataan at makapag-aral sila nang maayos dito sa ating lungsod,” pahayag ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa kanyang talumpati.

Nanguna sa seremonya ng pamamahagi si Mayor AA, kasama sina Cavite Third District Representative Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Officer-in-Charge—Schools Division Superintendent (SDS) Dr. Lito Palomar, at Assistant SDS Dr. Glenda Catadman sa Malagasang II Elementary School at City of Imus Integrated School.

Patuloy ang pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa tanggapan ng Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Cavite upang mas maitaas ang kalidad ng edukasyon sa lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa mga programa at proyekto para sa sektor ng edukasyon.

View this article on Facebook